Writing in the Age of Tokhang: Message to the Fellows of the recently-concluded 57th U.P. National Writers Workshop for Mid-Career Authors

by Rolando B. Tolentino

*Photos used with permission from Likhaan: University of the Philippines Institute of Creative Writing. Vlad Gonzales is this year’s director of the 2018 UPNWW

The Panelists and Fellows of the 57th University of the Philippines National Writers Workshop for Mid-Career Authors held at the Igorot Lodge, Baguio City

Sa mga manunulat, kaibigan at bisita,

​Anim na araw ang nakakaraan, kami’y mga magkakasabay na estranghero sa bus paakyat ng Baguio. Kakilala lamang ang isa’t isa sa mga nakalathala at online na pahina. Matapos nang anim na araw ng workshop, nagkakilala kami kahit pa nanantiling estranghero na may paggalang, kundi man paghanga, sa akda, pagka-manunulat, pagiging tao ng bawat isa.

​Bawat araw sa workshop ay pagbibyahe sa mundo ng panitikan at kapangyarihan ng salita at wika. Bawat araw ay pag-uugat at pagsasanga ng workshop at ang komunidad ng manunulat. Ang mga estranghero ay nagkakilala at may ngiti na may kasabayan sa paglalakbay. Uuwi tayong isang kolektibong estrangherong nakasakay sa bus ng panitikan at wika.

​Nabanggit ko na ito ang isa sa pinaka-diverse na background ng fellows ng workshop, pinaka-intense rin na backgrounds na nagpapatotoo sa paninindigan at debosyon sa pag-unlad ng panulat at panitikan. Fellowship ang workshop dahil ang mga estranghero ay nagkakilala’t naging magkaibigan, dahil kolektibong naninindigan sa panulat at panitikan, dahil sumusugal sa kinabukasan at pag-asa ng panulat at panitikan ng bansa.

​Ang workshop ay kasing tibay lamang ng mga nagtataguyod at naging bahagi nito. Salamat sa mga fellow ng 57th UP National Writers Workshop dahil sa tiwala na ipinaubaya para ipaliwanag ang kanilang panulat—ang kapamaraanan nito, ang susunod na proyekto—at manungkit ng mabungang komentaryo at punang babaunin para higit pang maliwanagan sa mga posibilidad ng proyekto at mabigyan-inspirasyong tapusin ang dapat tapusin. Nabigyan nyo kami ng inspirasyon sa aming sariling mga proyekto, naipasilip nyo sa aming mga panelist ang kagyat na aanihin sa panitikan ng bansa. At tulad ng mabuting alak, tila vintage year din ang 2018, ang taon ng 57th UP National Writers Workshop.

​Salamat din sa mga katukayo kong kasapi ng Likhaan: UP Institute of Creative Writing na walang pagod ang isip at katawan sa pagbabahagi ng matatalas kahit kadalasan ay nakakasindak na kinakailangang komentaryo sa bawat proyekto ng fellows. Kay Luna na bawat salitang binibitawan ay may kalinga at talas na nakapanghihiwa’t nakakapaghimay sa mga proyekto. Kay Jimmy na ang diin sa “get real” at “the power of language” ay mga susing gabay ng sinumang nagnanais mangharaya sa salita at panitikan. Kay Vim na hindi ininda ang black hole ng kasalukuyan para sa pinakamatagumpay na pagpapakilala sa fellow ngayong workshop, at nagpapatunay na ang tunay na lalake ay marunong ding umiyak dahil nagmamahal.

Kay Bomen dahil siya si Bomen. Kay Butch at Joi na kahit tig-isang araw lamang ang paglagi ay nananatiling winner at memorable sa paggunita nitong workshop. Kay Bien sa kanyang mabait na national artist na paggabay at pagbigay ng inspirasyon sa ating lahat. Kay Joey na bichesa na nag-moderate at nagbigay-buhay sa huling panel natin. Kay Neil na ang isang libong salita’t isang libong idea’t isang libo’t isang emosyon sa bawat segundo ay nagpapaalaala sa higit na pilosopiyang kinakailangan ng ating ginagawa. Kay Eugene na malumanay ang talim at lambing ng komentaryo—pati dapat rebyuhin ng manunulat na fellow partikular sa inaakdang obra–bilang pag-uugnay ng proyekto sa nauna rito.

Kay Charlson, sa short and sweet comments, pati anecdotes of learned writers sa praktikal na sitwasyon. Kay Jun parasa pagiging bukas na karinderya sa lahat ng gustong kumain, isang lilim sa mga mapagtanong na fellows. At siempre kay Vlad, ating workshop direktor, na may inosenteng ngiti sa pagbigkas ng tulong pati okray na komentaryong nagbibigay-linaw sa mga mahahalagang isyu ng mga akda. Tunay tayong happy combo meal na ang bawat isa ay komplementaryo ng iba para sa makabuluhang pag-uusap sa workshop.

Novelist Charlson Ong shares his expertise in the writing of the novel as poet Gemino Abad looks on

At siempre sa ating staff, taospusong pasasalamat kina Glo, Arlene, Ronnie, Joel, Ronnah, Benjie, at lalo na kay Isa para sa matagumpay na pagplaplano’t pag-oorganisa ng workshop. Masabi ko lang sa inyo, ang stipend ng fellows ay ginamitan ng superpowers sa burukrasya ng UP at Landbank para mailabas sa mismong panahon ng workshop.

Nakakapagod man ang workshop, ang pagpapatakbo nito, nasusulit naman dahil sa idea na matibay ang mga katuwang sa pagtataguyod nito. Dahil din ang kinakalinga at ipinapahinog ay inaasahan dahil by all indications ay magiging isang vintage year sa panitikan ng bansa.

​Ang inyong dagdag na komplikasyon ay writing in the age of war on drugs, tokhang, peluka, mga politikal na dibisyong idinikta ng kulay, ng social media, trolling, millennials, misogyny, populist presidencies, historical revisionism, #IdidnotvoteforBBM, etc., etc., etc.

Panelists Gemino Abad and Luna Sicat-Cleto flank UPNWW fellow Che Sarigumba during one of the sessions of the workshop. Ms. Sarigumba is also the lifestyle and travel editor of the Philippines Graphic’s sister publication, Pilipino Mirror

​Sa pagtatapos ng workshop, isipin na home base nyo na rin ang ICW, na ito ay simula lamang ng isang lasting friendship at comradeship in writing. Ang special promo naming ay bigyan kayo ng komunidad ng manunulat, at heto na nga ang nangyari—ang paglulunsad ng inyong henerasyon ng manunulat na ang network ay pambansa, na ang extent ng kapangyarihan ay sumasaklaw sa iba’t ibang genre, na ang isang yugto sa kinabukasan ng bansa ay nasa inyong mabubuting kamay.

​Magkita-kita tayo sa mga pahina ng mga susunod pang aklat na ilalathala at dulang itatanghal. Magkita-kita tayo sa online, sa panitikan.ph para sa mga aktibidad at dokumentasyon ng nagaganap sa ICW. At kung nasa Maynila kayo, sa ating opisina sa College of Arts and Literature, sa iba’t ibang forum, workshop, at online platforms. Bukas ang aming mga opisina’t aktibidad, ang aming mga puso sa inyong pagdalaw at pagbabalik sa inyong home-base.

​Tanggapin ninyo ang atas sa inyo ng kasaysayan. Ito ang mag-iiba sa inyong henerasyon. Magsulat, makibaka, huwag matakot. Mabuhay kayong manunulat ng inyong henerasyon! Magsulat para palayain ang sarili, magsulat para palayain ang sambayanan!

Igorot Lodge, Baguio​ City​

7 Abril 2018

________________________

Rolando B. Tolentino is the current director of the University of the Philippines’ Institute of Creative Writing and former dean of the UP College of Mass Communications​

ABOUT THE AUTHOR

JUST IN

More Stories