Pagkatapos bulatlatin ang pitaka sa ilalim ng liwanag ng poste sa tapat ng apartment, isinukbit ni Ruben Meneses sa magkabilang balikat ang kaniyang lumang gitara bago sumuong sa gabi. Binaybay niya ang kahabaan ng Salvador—animo’y gubat sa sukal ng mga eskinitang dilim lamang ang pinatutunguhan, kipot ng mga hawlang-bahay na tig-iisang dipa ang lapad, at buhol-buhol na mga kawad ng kuryenteng nagmimistulang baging sa paligid.
Mga ilang bahay mula sa paupahan, nasipat niya ang tatlong lalaking tumutungga at naghahalakhakan sa ilalim ng isang tolda. Binilisan niya ang paglalakad. Nang mas lalong napalapit sa mga manginginom, naaninagan niya ang pinagbubuhatan ng ingay sa mesa: si Kris, ang pamangkin ng kaniyang landlady.
“Ruben! Saan ang lakad natin?”usisa ni Kris, na pansamantalang huminto sa pagbangka sa grupo.
Nag-apuhap siya ng sasabihin. “Raraket lang. Linggo na ng bayaran.”
“Para kang may binubuhay na pamilya sa sobrang sipag mo,” kantiyaw ni Kris. Nagtawanan ang dalawang kasama—mga piyon, kung ibabase sa mga dulos na nasa may paanan nila, mga gamit sa pagsemento ng poste ng katabing tarangkahan.
Ngumiti lang si Ruben.
Nag-abot ng baso si Kris. “Shot muna.” Mas tunog utos kaysa paanyaya.
Tatanggi na sana siya at tutuloy na lamang sa lakad nang masilip niya ang pinupulutan ng grupo: menudo. Maraming sangkap at paniguradong masarap. Kumalam ang kaniyang sikmura.
Biglang pumasok sa isip niya ang kababatang si Tonton Perez na mahilig kumain ng pan de regla. Bading si Tonton.Tuwing oras ng meryenda, magkikita ang dalawa sa kalye at mag-uunahan sa pagpunta sa panaderya, kung saan pulangpula ang ibinebentang regla. Pagkarating ay agad ilalapag ni Tonton ang limang pisong barya sa ibabaw ng eskaparate, at nalalaman na ng tindera ang ibig sabihin niyon. Habang binubuksan ang salamin upang hanguin ang paboritong tinapay, tatanungin ng kababata si Ruben kung ilan pa kayang pan de regla ang kailangan niyang kainin bago siya naman ang datnan ng buwanang dalaw. Magtatawanan ang magkaibigan.Dudukot ng piso sa shorts si Ruben at ilalapag kasama ng pera ng kaibigan. “Magdagdag ka pa ng isa. Tingin ko malapit na.”
Humakbang si Ruben papalapit sa mesa ng mga nanginginom. Umalingasaw ang amoy ng gin sa kanilang hininga.Tinanggap niya ang alak at nilagok ito. Naghalakhakan ang grupo lalo nang makitang napangiwi ang binata sa pagguhit ng gin sa kaniyang lalamunan. Sa tamang sandali, walang pasubali siyang sumandok ng isang kutsarang menudo mula sa mangkok sa gitna ng mesa. Malinamnam at mainit-init ang pulutan. Naisip niyang sundan pa ito ng pangalawang subo bilang wala namang sumita sa kaniya, datapuwat nagpasalamat na siya at humayo.
•••
Kung saan nagtatagpo ang Kamuning at Tomas Morato ay doon patakbong bumaba si Ruben mula sa dyip. Di tulad ng masisikip at madidilim na mga eskinita ng Salvador, ang kalyeng ito ay babad sa matitingkad na kislap ng samu’t saring mga restawran, at kayang baybayin ng apat na hilera ng mga sasakyan. Anim pa nga kung tutuusin, kaso mayroon at mayroong magpupumilit pumarada sa mga bangketa. Sa kahabaan nito, nakapila ang malalawak at matatayog na mga establisyementong komersyal. Ang mga kawad ng kuryente naman—bagamat di kasinsalimuot ng sa kaniyang lugar—ay mistulang mga serpiyenteng binanat at pinako sa ibabaw ng kakahuyan. Sinalubong siya ng marahas na gubat na ito.
Binagtas niya ang Morato hanggang ma-rating niya ang isang kilalang kapihan. Doon ay sandali siyang natuliro sa pinagsabay-sabay na usapan at tawanan ng pulutong ng mga taong nasa labas at nagpapakasasa sa kape, sigarilyo, at tsismis.
“Boy,” bati sa kaniya ng security guard.
Pinagpag niya mula sa isip ang gulo sa paligid.
“Sakto’ng dating mo,” sabi ng guard, na naging kaibigan niya na sa dalas ng pagpunta rito. “Dagsa’ng tao ngayon.”
“Ano’ng okasyon?”
“Kababalik lang ng may-ari galing States, magkakaroon ng salo-salo sa itaas.”
Tinangay ng balitang ito ang kaniyang titig paakyat sa ikalawang palapag ng kapihan. Doon sa balkonahe, kung saan matatanaw ang kasalimuotan ng Morato, isang babae ang mag-isang nakaupo. Sa pagitan ng mga tahimik na paghigop ng inumin ay humithit ito ng sigarilyo. Hinagod niya ng titigang mapupulang labi nito, at sinundan pati na ang binuga nitong usok na humalo sa kahalumigmigan ng gabi.
“Basta tumambay ka lang dito, boy,” sabi ng guard.“Kundi ka ba naman makahakot ng limpak.”
“Kailangan kong magpakitang-gilas, kung gano’n,”ngiti ni Ruben.
Pumuwesto siya di kalayuan sa entrada at inilabas ang lumang gitara mula sa kaha. Kinalabit niya ang mga kwerdas at pinihit-pihit ang mga tonohan hanggang sa mahuli ang tamang timbre ng bawat isa. Ang kaha naman ay inilatag niya sa semento upang magsilbing lalagyan kung saan maaaring maghulog ng tip ang mga taong makikinig at mapupukaw ng kaniyang mga awitin. Matapos tipahin ang kinagawiang pambungad na kanta, nagsimula na siya sa pagtatanghal.
Gamit ang taglay na tinig na sinlamig ng gabi at musikang sinlambing ng pagsiyap ng mga ibon, naibsan niya ang ingay sa bangketa. Ang karaniwang ligalig ng lugar ay pansamantalang napalitan ng banayad na kumpas ng liriko at himig. Namangha ang kapwa parokyano at estranghero ng Morato. At sa mga sandaling iyon, sa pagbulatlat ng kanilang mga pitaka, bumuhos ang kuwarta.
Sa loob ng dalawampung minuto, kumalansing ang mga barya at nag tumpukan ang mga perang papel sa kaha ni Ruben. Matamis niyang pinasalamatan ang lahat ng nag-abot at iniabot ang palad sa kung sino mang tagapakinig ang nagnais makipagkamay. Bago niya sinimulan ang sumunod na kanta ay sumulyap siya sa balkonahe. Naroon ang babae, balisa. “Ano’ng iniisip mo?” tanong-sa-isip ni Ruben.
Matapos ang ilan pang mga kanta, habang sandaling huminto para tipunin ang mga nalikom, napalingon siya sa dalawang binatilyong nakaupo sa bangketang nagbubungisngisan.
“May utang ka pa sa’kin,” hagikhik ng una.
“Babayaran ko naman, di ba?” hagikhik din ng ikalawa.
“Doon kita sisingilin.”
“Sa may tinatayong bangko?”
“Sa likuran ng mga hollow blocks?”
“Maabo.”
“Sa ibabaw ng scaffolding?”
Nagbungisngisan ulit sila at tuluyan nang pumuslit sa dilim.
Bilang hindi lamang siya mariing nakinig kundi nagmatyag din, may napuna si Ruben sa naiwang puwesto ng mga binatilyo—isang bagay na kahit sa tulong ng ilaw ng mga nagdaraang sasakyan ay hindi niya matiyak kung ano. Dala ng kausyosohan, ipinatong ni Ruben ang gitara sa ibabaw ng kaha at humakbang patungong bangketa. Napahinto siya nang madiskubre niya kung ano ito: isang singsing. Makinang na pilak at mukhang may kamahalan. Nangati ang kaniyang palad.
Biglang pumasok sa isip niya ang naging unang nobyang si Susan de Quiros, na noon ay naglalakad lamang araw-araw para marating ang unibersidad. Working student si Susan, at sa tuwing matatapos ang klase, magtatagpo ang dalawa at dederetso sa maliit na department store kung saan namamasukan ang nobya bilang saleslady. Sadya silang dumarating nang maaga upang makapaglaan ng ilang minuto sa pamamasyal bago maghiwalay ng landas. Habang iniikot ang mga tindahan sa loob, hihinto si Susan sa estante ng mga balat na sapatos at tatanungin si Ruben kung kailan pa kaya niya mapapalitan ang kaniyang upod na pares. Maghahawak ng kamay ang magkasintahan. Pupulot ng isang itim na sandalyas si Ruben at hihikayatin ang nobyang maupo sa maliit na bangko. “Sukatin mo na ang isang ito. Tingin ko malapit na.”
Sa bangketa ng Morato, lumuhod sa isang tuhod si Ruben at nagsintas ng sapatos. Nilingon niya ang dako kung saan nagtungo ang mga binatilyo. Malayo na ang mga ito. Siniyasat niya rin ang paligid upang matiyak na walang makakapansin sa kaniya. Sa tamang sandali, walang pasubali niyang dinampot ang singsing sa bangketa. May kabigatan ito at may disensyong ukit. Naisip niyang isuot ito bilang wala namang sumita sa kaniya, datapuwat ibinulsa na lamang niya ang bagong tuklas na alahas at tumindig nang muli.
Prrrrt! Ginulantang siya ng matining na ingay.
“Lagot, nahuli ako!” kaba-sa-isip ni Ruben.
Prrrt. Prrrt. Prrrt! Lumakas at tila papalapit.
Namalayan na lamang niya na may mabigat na kamay na yu-mugyog sa kaniyang balikat. Napabalikwas siya. Naroroon sa harapan niya ang security guard, ipit-ipit ang silbato sa bibig. Naghagilap siya ng palusot ngunit wala siyang maibigay.
“Tumabi ka, boy,”hawi ng guard. “Nandiyan na ‘yong may-ari.”
Sumambulat sa harapan niya ang matinding liwanag. Sinundan ito ng pag-ugong ng makinang humati sa umpukan ng mga tao sa kaniyang likuran. Sinunod niya ang utos ng guard at umiwas sa paparating na magarbong sasakyan. Sumampa ito sa bangketa at pumarada sa harapan ng kapihan. Pagkapatay ng makina ay bumaba ang isang bihis na bihis na lalake.
“Magandang gabi, Ser,” saludo ng guard.
Walang imik ang lalake, datapuwat tumingala ito sa ikalawang palapag, tila inaasahan ang pagsalubong ng isang bisita. Doon sa balkonahe, para bang may unawaan sa magiging pagtatagpo, nakatayo ang babae. Nagmamasid at nakangiti.
Numipis na ang mga tao sa bangketa nang bumalik sa puwesto si Ruben na may dalang ensaymada at mainit na kape. Sa lumipas na oras, nagsipagdatingan ang ilan pang magagarbong sasakayan at ilan pang bihis na bihis na mga panauhin.
Ginamit naman niya ang pagkakataong ito upang dagdagan pa ang kita ngayong gabi. Ngunit nang mawalan na siya ng mapupuwestuhan sapagkat pinuno na ng mga sasakyan ang bangketa, nagpasya na siyang magligpit ng gamit.
- ••
Ngasab. Naisip niya si Kris at kung nakahandusay na ito sa aspalto.
Higop. Naisip niya ang dalawang binatilyo at kung nakaraos na ang mga ito sa ibabaw ng scaffolding.
Dighay.Naisip niya ang babae at napaisip siya sa kung ano ang pangalan nito, kung ano ang ginagawa nito sa balkonahe, kung ano ang ibig sabihin ng titig na ipinamalas nito nang dumating ang may-ari. Mga tanong na kailangan ng kasagutan.
Nilagok niya ang natitirang kape, at samantalang patuloy ang pagdiriwang sa itaas, ay kinuha ang gitara at nagtungo paakyat sa ikalawang palapag.
Nang makarating sa tuktok, sapagkat unang beses niyang tumuntong doon, saka lamang niya napagtanto na para sa isang silid, di kapani-paniwala ang liwanag nito. Sa loob ng dilat na dilat na espasyo, hindi niya inasahan ang bumungad na tanawin. Magkakawangis ang bawat isa—mga mukhang parehong hindi bilugan o habaan. Pare-pareho rin ang mga palamuting gayak-gayak: pulseras sa kanan kung babae, relos sa kaliwa kung lalaki. At kung magsipagtawanan ang mga ito, aakalaing nagmumula lamang sa iisang matalas na lalamunan. Doon sa ikalawang palapag, nilagom ang bawat tao sa iisang anino.
Ang pagdating ni Ruben ay napuna ng isa, at samakatuwid, ng lahat.
“May bisita tayo.”
“Masyadong bata para maging kasosyo.” Kumalansing ang mga pulseras.
“Hindi ba siya ‘yong bata sa bangketa?”
“Tila kulang pa rin ang pera.” Umugong ang mga lalamunan.
“Wala tayong panahon sa kaniya.”
“Tawagin mo ang guard.” Pumalatak ang mga relo.
Nanigas ang kaniyang katawan. Gustuhin mang manaog at bumalik na lamang sa labas ng kapihan ay hindi niya ito magawa. Umiwas siya sa mga titig datapuwat nagsambulat sa paligid ang mga mapanuring mata.
“Saklolo!” sigaw ni Ruben. Ngunit walang tinig ang lumabas.
Sa tamang sandali, sa pagkakataong tila lalamunin na siya ng silid, umusbong mula sa likod ng mga anino ang nag-iisang mukhang naiiba sa lahat. Naroroon sa harapan niya ang babae.
May yumi ang ngiti, lumapit ang babae sa kaniya. “Mabuti naman at umakyat ka.”
Pinamulahan siya. “Ano’ng nangyayari?”
Walang isinagot ang babae. Sa halip, kinuha nito ang kamay ni Ruben at inudyok na humakbang. Magkarugtong ang mga palad, sinuong nila ang silid. At sa kabila ng mga nakapakong titig ng mga aninong-tao, narating nila ang balkonahe.
Pagkarating doon, datapuwat tuliro sa mga pangyayari, dahan-dahang nanumbalik ang kaniyang diwa, salamat na rin sa sariwang hangin na umiihip sa ganap na tayog na iyon.
“Awitan mo ako,” hiling ng dalaga.
Pinamulahan siyang muli.
Nilibot niya ang kaniyang isip upang mahagilap ang natatanging awiting hindi lamang magpapakita ng kaniyang pasasalamat sa pagkaligtas nito sa mga aninong-tao, kundi na siya ring magbubuod sa kaniyang namumuong pagsinta.
Hinanda niyang muli ang kaniyang gitara at para sa babae sa balkonahe, para sa kaniyang panauhing pandangal, nag-alay siya ng isang taimtim na harana.
Pumikit ang dalaga at ninamnam ang pag-ugoy ng musika.
Sa sandaling iyon, naunawan sa wakas ni Ruben ang halina ng mga bagay mula sa balkonahe. Nasaksihan ng mismong mga mata niya ang pagbabago ng imahe ng Tomas Morato. Ang kutitap ng mga restawran ay naging mga alitaptap na sumasayaw sa kakahuyan, samantalang ang mga dambuhalang establisyementong komersyal naman ay naging maliliit na punso kung saan naglalabas-masok ang hukbo ng mga de-makinang langgam. At ang mga kawad ng kuryente na noo’y mga sinumpang serpiyente, ngayon ay mga alon sa isang payapang ilog na bumabagtas sa buong lupain.Nasumpungan niya ang kagila-gilalas na gubat na ito.
Maging ang babae, napagtanto niya, ay hindi lamang isang mukha sa balkonahe kundi isang maamong dalaga. Isang paraluman sa gitna ng dilim.
Nang matapos ang harana, naabutan niyang nakatingin ang dalaga sa kalawakan ng gabi. Marahil ay humahanga sa sanlaksang bituin sa langit. Marahil ay nagbabalik-tanaw sa mga masasayang alaala. Nilingon siya ng dalaga at ipinamalas ang natatanging titig nito. Kumabog ang kaniyang dibdib.
Hindi napigilang gunitain ni Ruben ang kaniyang inang si Dolores, na noong nabubuhay pa ay walang sinlambot ang kalooban. Nag-iisang magulang si Dolores kay Ruben, at sa tuwing sasali ang anak sa mga patimpalak sa pag-awit noong bata pa, magluluto ito ng paborito niyang ulam: menudo—iyong masarap, malinamnam, at maraming sangkap. Noong minsan, habang nag-aabang sa balkonahe ng bahay si Dolores at malayo pa lang ay gusto nang ipagsigawan ang pagbati sa anak, dumating si Ruben na umiiyak at may dalang basag na gitara. Sinalubong siya ng ina at napatanong ang bata kung kailan pa kaya siya magwawagi sa paligsahan. Nagyakapan ang mag-ina. Tinabas ni Dolores ang isang kwerdas mula sa nasirang gitara at ipinulupot ito upang gawing singsing. “Malapit na ‘yan, anak.”
Hindi namalayan ni Ruben na ang mga mukha nila ng babae ay palapit na nang palapit sa isa’t isa. Ipinikit niya ang kaniyang mga mata, handa na para sa pagtigil ng panahon, para sa pagbulusok ng bulalakaw, para sa pagyanig ng kagubatan.
Subalit sa huling sandali, sa akmang paglalapat ng kanilang mga labi, sila’y nagambala.
“Clarisse?” sabi ng isang tinig.
Umusbong mula sa mga anino ang isang bihis na bihis na lalaki.
- • •
Nadatnan pa ni Ruben ang tolda ng mga manginginom sa Salvador. Pansamantala muna siyang nakisilong sapagkat nitong biyahe niya pauwi, inabutan siya ng pagbuhos ng ulan. Wala na si Kris at ang mga kasamahan nito. Wala na rin ang menudo.
Habang tumitilamsik ang tubig sa paanan niya, naisip niyang sana’y ipinangkaskas niya ang singsing sa sasakyan ng lalaki. Sana itinapon niya na lamang ito at hindi suot-suot ngayon. Natawa na lamang siya sa sarili.
Pagdating sa apartment, agad niyang kinandado ang pinto. Binati siya ng nakasanayan nang asim ng linoleum at kulob ng kuwarto. Pawisan at pagod, sinubukan niya muling buksan ang ilaw ngunit hindi ito sumindi. Araw-gabi sa loob ng nakalipas na dalawang buwan, nakaamba ang tanong sa sarili kung kailan pa niya mabubuno ang utang sa kuryente.
Bumagsak ang kaniyang balikat at niyakap niya ang kaniyang gitara.
“Tingin ko malapit na.”