Nasalo ko sa tingin mong pabaya ako sa sarili.
Nakuha ko ang iniisip mong wala akong pinipiling pagkain.
Bitbit ko ang inaasahan mong palatawa ako’t masayahin.
Kipkip ko ang biro mong malamang na ako’y biritera
At sa mga videoke session ay siguradong bibida.
Kalong ko ang papuring lahat ay puwede kong kasama.
Karga ko ang di mo masabing desperada ako sa date
At sa kahit na sino pang lalaki ay magiging easy to get.
Atang ko ang papuri mong hitsura ko ay bet na bet
Para sa tulad kong babaeng well, overweight.
Kung sana’y hindi lang isang aspekto ng bigat ang pansin mo.
Dahil hindi palaging sasakto sa timbangang ibinato.
Hindi abot lahat ng nota kapag inabutan ng mikropono
At namimili ako ng pagkaing isusubo’t lulunukin ko.
Pihikan din ang puso’t hindi kung sino lang ang may gusto.
Tangan ko ang lahat ng ito at ngiti ang inihaharap
Pinipilit na bumalanse sa iba’t ibang pabigat.
Dala ang sariling dignidad, dama ang sariling grabedad.
Sa timbangan ng marami’y hindi maaaring lumipad.
Kaya’t tatayo ngayon at bibigkasin ang pagtanggap:
Ako ang timbangan ng sarili. Ako ay sasapat.
Nova Villanelle
Pagkatapos mapanood ang Miss Granny
Ang bituin sa bingit ang pinakamaningning.
Natatanging kariktan, oras ang dumalisay.
Ang sentro ng liwanag ay pusong nagpaigting.
Walang nakapapansin sa nagbabadyang galing.
Ang mga tumitingin sa sinag ay nasanay.
Hanggang itong bituin sa bingit ay nagningning.
Inakalang nahungkag ang tahimik na bagting,
Ngayon ay umaawit, nagsasabog ng kulay.
Sa sentro ng liwanag ay pusong umiigting.
Ilaw na dumadaing, naging bagong taginting.
Ang ningas ng pag-iral ngayon ay nasisilay.
Ang bituin sa bingit ay pinakamaningning.
Sa sandaling sukdulang panahon ng luningning,
Mayroong maiiwan at hindi mawawalay:
Ang sentro ng liwanag na pusong nagpaigting.
Sa usok at alabok, itatanim ang hiling.
Panibagong pagsilang ang inakalang hukay.
Ang bituin sa bingit ay pinakamaningning
Pagkat sentro’y liwanag ng pusong sakdal igting.
Si Krissy sa impiyerno
Pasintabi kay Allan Popa
Buong ingat ang pababang paglapit
Ng presidential chopper, sakay siya.
Nalampasan niya ang di mabilang na massacre
At horror films. Hindi siya matatakot sa apoy.
Sa ibaba, nagsisiksikan sa kumunoy ang mga hater
At supporter na kaluluwang nagpupumiglas
Upang mapanatili sa ibabaw ang kanilang mga mukha
Makita lamang siya.
Kinakapitan nila ang isa’t isa upang lumutang.
Nais nila siyang mahaplos. Nais nila siyang mahablot.
Ngunit hindi nila maabot kahit ang laylayan
Ng kaniyang soot na dilaw na Michael Cinco gown.
Waring nakadama si Krissy ng pagkahilo
At habag sa alaala ng kasikatan.
Naghulog siya ng haluhalo.
Nagpaagaw siya ng lipstick.
Naghagis siya ng tsokolate
Na may special packaging
Na siya mismo ang nagdesign.
Ngunit wala silang masalo
Kundi salita: Love, love, love.