Malalim ang ‘yong mga mata’t
Hapis na ang mukha.
Hindi ko na mabilang ang iyong mga gatlâ.
Dati-rati’y parang tigre ka kung tumingin,
Matikas ang tindig,
At buong katawan ay may may masel.
Nanghihina na ang ‘yong mga tuhod;
Sa paglakad ay iipod-ipod.
Babahagya ka nang makakain;
Kailangan pang lagi kitang pilitin.
Madali ka nang kápitan ng ubo’t sipon;
Napapadalas ang pagbisita natin sa iyong doktor.
Hindi mo na ako sinisinghalan;
Malumanay ang boses mo pag ako’y inuutusan.
Nang minsang ika’y nagdeliryo,
“Patawarin mo ‘ko,” ang sabi mo.
Para sa akin kaya ang pangungusap na iyon
O sa ibang babae ito iniuukol?
Papaliguan at bibihisan kita,
Paiinumin ng gamot,
Sasamahan kahit saan magpunta.
Aalagaan kita kahit dumudumi’t
Umiihi ka na sa kama.
Aalagaan kita kahit lamunin
Na ng sakit ang iyong memorya.
Aalagaan kita kahit di mo na ako
Kilála.
Maaari na kitang bitiwan
Kapag muli ko nang natutuhang
Yakapin ka’t hagkan.
Agosto 29, 2018
San Miguel, Bulacan