Dahil ba ako’y bata
Ikaw ay walang awa?
Kung manlaban mahina,
Murang-mura ang diwa.
Dahil ba di mo kaya
Yaong mas matatanda,
Sa akin ibalandra
Ang ‘di magawa-gawa.
Dahil nga ako’y bata,
Naiisip na tanga,
Gipit ang pag-unawa
Sa iyong halimbawa.
Dahil nga ako’y bata
Ipagkait ang saya:
Inggit ka yata, tanda,
Sa babaw ng aking ligaya.
Dahil nga ako’y bata
Madali pong masira
Bukas na akin sana.
Bukas mo din, tanda.
Dahil ako’y tatanda
Maiisip mo kaya
Na gawin na ang tama?
Sige ka, ikaw ang kawawa
Bukas, o kamakalawa,
Kapag ako’y tumanda
At natutong magtanda
Ng ‘yong pagwawalanghiya.
Kung paslit pa’t ipiit
Huwag ka nang magagalit,
O magtataka kung may saglit
Na dumating na ikaw ay gipit
Dahil ako na ang gigilit
Sa pangarap mong kay-rikit.
Ipiit na kung ipipiit.
May hangganan ito.
Ipilit ang ipipilit
Habang wala pa akong laban.
Paglaki ko
Magdasal ka na
Na hindi ako
Magmana sa inyo.
Dahil bukas, kamakalawa,
Baka ikaw na ang magtatanong
Ng bakit, at ikaw na
Ang magtataka ng dahilan
Kung bakit
Ang anak mong kay bibo
Ay lumaking sing-walanghiya mo.