Sa ngayon, isa na rin sa kinahihiligang basahin ng marami ang dula. Hindi nga lang naman ito puwedeng panoorin o itanghal sapagkat maaari rin itong sundan sa mga pahina.
Sa kahit na anong babasahin, lagi’t lagi kong hinahanap na madala ako sa lugar na pinangyayarihan ng kuwento. Na malasap ko ring gaya ng may-akda ang sarap at kirot ng mga kataga at pangyayaring pumapaimbabaw sa bawat obra. Para sa akin, isang tagumpay sa pagtatangka ng manunulat kapag nadadala niya ako sa kung saan umiinog ang kuwento.
Nagbabasa ako upang ma-enjoy ang bawat letra, usapan at pangyayari sa isang obra. Gusto kong masiyahan habang nagbabasa. Nais kong matanaw o maabutan din sa aking isipan ang nakikita ng isang manunulat habang nakikipaghabulan siya sa mga letra upang mailarawan ng tugma at swak ang bawat tagpuan o pangyayar sa binuo niyang mundo at kuwento. Gustong-gusto ko ang naghahabol. Naghahabol ng pangyayari. Iyong tipong hindi mo magawang bitawan ang aklat kapag nasimulan mo na itong pasadahan. At ang paghahabol na ito ay naramdaman ko nang taluntunin ko ang mga pahina ng ANAGNORISIS, apat na dula ni Em Mendez na inilathala ng University of Santo Tomas Publishing House.
Sa unang dula sa koleksiyon na pinamagatan ng mandudula na Ang Unang Regla ni John, ipinakita niyang mayroon ding puwang ang kalalakihan sa mga simple at maliliit na bagay. Na hindi lamang pangmalakihang usapin ang laging tinatalakay. Na mayroon ding mga maliliit o kurot na kuwentong maaaring ibahagi.
Natuwa ako rito dahil sa tingin ko o sa tantiya ko, bibihirang pag-usapang ang ganitong mga klaseng usapin—ang pagkakaroon ng buhok ng isang lalaki sa katawan. Simpleng istorya ngunit may pangil. Nariyang may lalaking nais na magkaroon ng buhok sa kilikili o katawan dahil itinuturing nila itong kamachohan. May iba namang kagaya ni John na “nandidiri” kumbaga sa buhok at ayaw na ayaw na magkaroon ni hibla nito.
Hindi lantarang ipinakikita “ang pagiging pusong babae ni John” sa dula. Ngunit mababasa mo iyon sa mga kilos nito: Gusto kong maging flawless. Ayokong tubuan ng maski isang buhok sa katawan.
At dahil pawang kalalakihan ang nasa eksena, naging makatotohanan ang eksena sapagkat wala naman yatang kalalakihan ang hindi nahilig sa adult magazine. Curious ang mga bata sa ganoon. Lalo na ang lalaki.
Pasabog o tila bomba ang huling bahagi ng dula: Hahalungkatin ang gamit sa paggupit ng ama. Kukunin ang labaha. Nakatalikod si John sa audience, itataas ang labaha at may aahitin sa harap nito. Tutulo ang dugo. Sisigaw si John. Haharap sa audience at ipakikita ang dugo. Ngingiti.
Inaasahan ko ang ganoong tagpo—ang pag-aahit. Ngunit hindi ko naisip ang pagtulo ng dugo. At sa pangyayaring iyon, iba’t ibang espekulasyon ang maiisip ng bawat mambabasa. Dito pumasok iyong sinasabing “kapag naglabas ka ng baril, iputok mo sa dulo”.
Barbie girls, isa pa ito sa kinahumalingan ko sa apat na dula sa nasabing koleksiyon. Tatlo lamang ang tauhan nito: si Chona na 40-anyos, Pedro na 25 taong gulang at Holly na 18 pa lamang. Si Holly Wood na isang Amerikana at mala-barbie ang hitsura ay magtatrabaho bilang muchacha sa mag-inang Chona at Pedro.
Si Chona ay tipikal na babae na lumaki sa mahirap na pamilya. Kuhang-kuha ni Em Mendez ang pakiramdam ng isang babaeng hikahos at napag-iiwanan ng mga kalaro at kaklase.
Natuwa ako sa mga eksena dahil sa pagkakabaligtad ng nakasanayan. Kumbaga, imbes na ang Filipino ang magtrabaho bilang muchacha sa ibang bansa, ang nangyari ay isang Amerikana ang naging muchacha ng Pinoy. Sa dulang ito, maiisip mong: “Oy possible pala.”
Ipinakita rin ng may-akda na may mga bagay tayong nakasanayan na magbago man ang estado ng ating buhay, hindi natin maihihiwalay sa ating pagkatao. Parang lintang didikit-dikit. Parang aninong bubuntot-buntot.
Sa dalawa pang dula sa koleksiyon: Ambong Abo at Ang Nanay kong Ex-NPA, magagawa kang pag-isipin ng mandudula. Hindi lamang ito kuwento o dulang ikatutuwa natin ngayon at malilimutan pagdaan ng panahon. Mabigat man ang mga paksa sa kanyang mga dula, nailahad niya ito ng maayos. Simple at makatotohanan.
Mapaglaro sa emosyon ang mandudulang si Em Mendez. At sa bawat dula, lagi siyang may pasabog. Laging may bibitawan at ipakikita sa mamamabsa o audience. May pitik. May kalabit. May kurot. At laging may pahabol.