Kung paano mabuhay, ayon sa Tamawo

- Advertisement -

Tao rin ang tamawo. O may tao na isa palang tamawo. Magkaiba sila. Kahit parehong tubig ang 65-75% ng kanilang taong-katawan. Maaaring ang isa, halimbawa ang tao, ang hindi marunong lumangoy, kahit pa pareho silang taga-isla. Higit dito, tao ang tao dahil may kaluluwa. Ang tamawo, pinipili niya na magka-kaluluwa, kapalit ng pagkawala ng kapangyarihang maging invisible.

Isa siyang tamawong tubig na may kaluluwa. Ngayong tag-araw at mahal ang tubig sa siyudad, gusto niya maging invisible. Kailangan niya ng gintong bangka. Ito ang sakayan ng kanyang mga ninuno. Naglabas-masok ang mga ito sa mundo ng tao at mga diwata at maligno. Sa lupa at tubig. Ipinagtapat niya ito sa kanyang roommate. Buang, sabi sa kanya, ano’ng droga ang tinira mo? Para nga siyang tinira ng M16 – braaaatatatatat-tatat-tat. Kitang-kita niya ang katawan, isang tangkay ng lila na orkidyas. Tumatagas ang katas nito sa aspaltong kalsada. Kaharap na nga siya, ayaw pa rin paniwalaan: paano na kung isang balita na lang, o kuwento?

Iniwan niya ang roommate at ang kanyang bangkay. Isang lawa sa kalsada ang tagas ng kanyang dugo. Wala na ba siyang kaluluwa?

Sinubukan niya kung invisible na siya: kaharap ng salamin, sinuyod ng kanyang hintuturo ang natitira, at nanatili, na natatanging pisikal na palatandaan ng isang tamawo: ang kawalan ng guhit ng gulod sa gitna ng ilong, kabit sa bibig. Narito pa rin siya at naaaliw siya sa mukha. Maganda pala siyang tamawo. Kulay mais ang kanyang buhok. Kulot-kulot, hanggang mga balikat. Matangos ang kanyang ilong. Makapal ang kanyang mga kilay – natural – katulad ng kanyang mahahabang pilikmata. Galing siya sa angkan ng pinakasikat na tamawo ng Panay, si Prinsesa Olayra. Nabihag ito ng pag-ibig ng isang dayuhan. Kaya nawala, at naging alamat. Nagpapakita ito sa mga mangingisda, sakay ng kanyang gintong bapor.

Isang kuwento ng pangungulila si Prinsesa Olayra. Ayaw niya. Wala nang silbi ang pangungulila sa kanya. Nasa syudad siya at mahal ang tubig. Nagdesisyon siyang ipagpaliban ang pagiging invisible.

Muli siyang nanalamin. Hanggang naging pagkahumaling ito: mula sa salamin sa kuwarto na kanyang nirerentahan, hanggang sa salamin ng kanyang cellphone habang sakay ng dyip, hanggang sa salaming pader ng beauty salon saan siya nagtatrabaho. Ngayon lang, sa mga sandaling ito, habang pinapalambot niya ng hand cream ang mga kamay ng dalagang customer, habang dumudulas ang kanyang mga daliri sa balat ng dalaga, tanong niya: “Bisaya ‘kaw, Mam?”

“Ilongga.”

“Siling ko gid, e. Sabi ko na nga ba. Basta gwapa, Ilongga gid.”

Sampung taon na siya sa beauty parlor na ito. Palagi, kapag gwapa o gwapo ang customer, tama ang kutob niya: Bisaya. Kinukumpirma na lang ng kanilang probinsya o syudad: Bacolod, Cagayan de Oro, Cebu, Dumaguete, Iloilo.

Natuwa siya sa pagpapatotoo na ito ng customer. Napakanta siya. Ito ang awit na narinig ng isang datu sa isang epiko. Pumapalaot sa dagat ng Panay ang gintong balangay na sinasakyan ng datu. Kasama niya ang kanyang kapatid na nalikha sa isang ritwal, at mga alipin. Nasabi na sa kanya ng kanyang mga kaibigang kaluluwa ang pangalan at lugar ng kanyang katapat na dalagang mapapangasawa. Isang pakikipagtagpo ang paglalakbay na ito. Ngunit narinig niya ang awit. Tinunton ng kanyang gintong balangay ang baybayin na pinagmulan ng awit. Nakaharap ng datu ang isang diwata na katutubo ng isang kuweba. Nakita niya ang pinakamaganda at pinakabata sa kanila at na-engkanto siya! Nakipagniig siya dito sa ikapitong silid ng kuweba. Sinasabi na maging sa lahat ng diwata sa kuweba na iyon. Kaya nakalimutan ng datu ang layon. Hanggang isang araw, nahimasmasan siya at nagpaalam. Nainsulto ang mga diwata, nagalit sa kanya. Isinara nila ang pintuan ng kuweba: naging bilanggo nila ang datu.

“Mirisi nia. Maayo gani,” sabi ng dalagang customer. Buti nga sa kanya. Tumawa sila. May tinig ito na nagsasabi “hindi karaniwan na babae ang nagtuturo sa isang datu kaya kailangang gawin ng sinaunang taga-kuwento na isang daan at libong babae ito.”   Ganito ang halaga ng lalamunan. Naiintindihan nila ito pareho. Magkaibigan na sila ngayon. Nagpatuloy sila sa pagsalita sa Hiligaynon. Sa lambing ng kanilang boses kumapit ang nail polish na electric pink sa mga kuko ng dalaga, sa mga kamay at paa. Bumagal ang oras sa loob ng parlor. Nangamoy ito ng batchoy. Tumaas ang init. Nagutom sila pareho, isang pangungulila. Kaya iniliko niya ang usapan nila ng dalaga sa matatamis na gawa halo ang asukal na muscovado. Tumambad sa kanya ang malawak na tubuhan ng Negros. Nakita niya rito ang kanyang bangkay, nakahandusay na tangkay ng lila na orkidyas. Sigurado siya. Siya ito, dito itinapon. At ngayon niya lang naisip: may humanap ba sa kanya? Halimbawa, ang kanyang roommate? Iniyakan ba siya?

Nalungkot siya. Ano ang kanyang numero? Tumigil siya sa pagpapahid sa mga kuko ng dalaga, huminga. Nagtatanong ang mga mata ng dalaga at nakita niya rito ang dagat. Nagpatuloy siya sa ginagawa para malangoy niya ang dagat na ito. Ngunit kinilabutan siya nang maalala na marami rin ang namamatay dito. Marami rin ang basta na lamang nawawala. Halimbawa, kinain ng pating, ng buwaya. Pinirata. Mula noon hanggang ngayon. Isa ba itong konswelo, na hindi siya nag-iisa?

Pinagmasdan niya ang dalagang customer. Nakikita niya ang mga bidang babae sa mga telenobela sa mukha nito, sa maputi at pinong balat, sa balingkinitang katawan. Hindi katulad niya na walang gulod ng kanal sa itaas ng bibig. Pinagtakhan niya kung may kaluluwa ang dalaga. Ano ang hugis nito? Mala-seahorse? Mala-yapak ng higante? Amoy rosas? Ng ilahas na orkidyas? Ng halamang gamot, halimbawa, herba buena? Naiiyak ba ang dalaga sa mga balita ng patayan? O matatakot sa kanya kapag ikukuwento niya ang nakita niyang sariling bangkay? O magagalit na may mga bangkay sa mga tubuhan ng Iloilo at Negros?

Ito ang kanyang nabigkas: “Minsan ba, Ma’am, naisip mo rin na basta na lang hindi magpakita…?”

Abala ang dalaga sa kanyang cellphone. Ngunit sinalubong siya nito ng tingin. Sinasabi ng mga mata nito na naiintindihan niya ang ibig niyang sabihin. Hindi siya buang katulad ng bansag sa kanya ng roommate. Hindi sumagot ang dalaga. Sa halip, pinakita nito ang marka ng laslas sa braso.

“Naku, Ma’am, h’wag,” nasabi niya. Lumabas ito na Tagalog, kaya mariin at pormal ang bagsak ng kanyang tono. “Hirap ng buhay pero dito pa rin ako.”

Ito ang kanyang maiksing kasaysayan: isa siyang Tamawong-Tubig na nalayo (hindi lumayo) sa malaking ilog sa isla na tahanan ng kanyang mga ninuno. Dumating isang araw ang “malaking tao” at mga kasama nito sa kanilang sityo sa gilid ng malaking ilog. Nakituloy sa kanilang matatanda. May mga dala silang tabako, alak, bigas, lumang damit, at pera. Nagkaroon ng sayawan, kantahan, kainan. Isang umaga, natuklasan na lang nila na hinahawan na ng mga ito ang kanilang malalagong bakhawan, matatandang punongkahoy at mga gamot-halaman. Pinagbawalan na rin silang magkaingin sa kanilang mga burol.

Binuwal ng kanilang chainsaw ang matandang bubog saan siya at ang kanyang pamilya nakatira. Wala na silang kapangyarihan kundi kaluluwa. Hinakot pati ang malalaking bato sa kanilang ilog, na parang nagtampo ito: bumabaw ang tubig.

Higit isang dekada ang nakalipas, sa edad na katorse, dinala siya ng kanyang kaluluwa sa bayan, sa malaking bahay ng “malaking tao.” Nakita niya rito ang ilan sa kanilang mga punongkahoy: ang apitong na kisame, ang narra na mahabang mesa, ang mga muwebles na yari sa mahogany. “Bulig-bulig,” ito ang pakiusap sa kanya ng asawa ng “malaking tao.” Tulong-tulong. Katulong.

Nakapag-aral siya hanggang hayskul. Nakapagpadala ng bigas at sardinas sa pamilya. Hanggang mabalita ang pagkasunog ng sityo. Hindi nakalikas ang kanyang pamilya. Hindi sila naligtas ng kanilang kaluluwa. Sa loob ng maraming taon, ikinahiya niya, at kinamuhian, ang pagiging tamawo. Wala itong silbi.

Wala ring silbi ang muhi at hiya. Lalo na ngayong hindi na lang gawaing bahay ang kaya niya. Kaya babalik siya sa tubig. Bago pa ito maubos at huhukay siya ng balon mula sa kanyang katawan. Ngunit hindi sa isang malaking ilog. Wala na rin ito ngayon. Isa nang mega-dam. Ang mga natitira, naging mga esplanada na noong panahon ng Espanyol. Ngayon, mga esplanade, salitang French na naiintindihan bilang salitang Ingles, na isang pasyalan lalo na pagsapit ng takipsilim.

Pupunta siya sa isang bagong isla na wala pa sa mapa ng mga turista. Sa bundok at dagat nito, doon siya muling magpaka-tamawo. Taong-tubig na mayroon pa ring kaluluwa. Berde. Aanyayahan niya ang dalagang customer. Sasakay sila ng gintong bangka. Tatawirin nila ang mga isla ng Panay, hanggang Guimaras at Negros. Pupuntahan nila ang tubuhan na pinagtapunan ng kanyang bangkay. Ililibing nila ito, isang tangkay ng lila na orkidyas, kumpleto sa ritwal ng kanilang matatanda, maging ng simbahang Katoliko. Ipagluluksa nila ang isa at libo-libong kamatayan. Halimbawa, ng mga diwata ng kuweba. Pinagbayaran ng kanilang buhay ang kalayaan ng datu. Sa dulo ng kuwento ng matatanda, nakatagpo nito ang nakatakdang mapangasawa at ikinasal sila upang maging tagapangalaga ng mundo. Wala na silang mga tamawo sa mundo ng kuwentong iyon. Masasabi ring wala na sila, bilang kuwento, sa mundo na ito. O mas tumpak: kuwento na lamang sa mundong ito, mahirap pang paniwalaan. Kaya aalagaan niya ang sarili. Tatanim siya ng bagong lila na orkidyas sa kanyang puntod. Tutubo ito at mamumukadkad, lalo na sa mga tag-araw. Mapipitas ito, mga talulot sa tubig para sa isang ritwal ng paggalang. Maririnig ang kanyang boses, ang kanyang nag-iisang lamunan, na sinasabayan ng isang daan at libong kaluluwa ng kababaihan: Narito kamiiiiiii!

Kailanman, hindi siya magiging invisible.

 

 

 

ABOUT THE AUTHOR

JUST IN

More Stories