Thursday, October 29, 2020
Home Book of the Week Lualhati in the City

Lualhati in the City

HINAHABOL ang bawat pangyayari. Hindi mabitawan ang mga pahina hanggang ‘di natatapos basahin. Nariyang mangingiti at maiinis ka sa mga nagaganap. Mapaiisip. Mapatatango. Ganyang-ganyan ang pakiramdam ko sa tuwing pinapasadahan ko ang mga libro ni Lualhati Bautista. Lagi’t lagi rin akong nananabik sa bawat pahina ng kanyang mga obra dahil sa pasabog na hindi mo inaasahan.

Masasabi kong isa ako sa lihim na tagasubaybay ni Lualhati Bautista. Simula nang mabasa ko ang nobela niyang Bata, Bata… Pa’no ka Ginawa? ay hindi ko na napigil ang sariling usisain at namnamin ang kanyang mga obra. At kung may isa man sa aklat niyang nabigatan ako at nahirapan, iyon ang Desaparesidos. Magaan at simple ang salita ngunit kaybigat ng mga pangyayari. Kayhirap tanggapin. Habang pinapasadahan mo ang bawat salita, pangungusap, pahina at kabanata, may tila malaking bagay na nakadagan sa dibdib mo. May kirot at himagsik na pupulas sa puso mo.

Sixty in the City. Isang nobelang sa pamagat pa lang, alam mo na kung kanino tatakbo ang istorya. Sa tao o mga taong nasa dapithapon na ng kanilang buhay. Ngunit hindi regular ang pangyayari sa obrang ito. Hindi ito ang kadalasang nangyayari. Kumbaga, nakita ko ang kabaligtaran nito sa totoong buhay. Na kapag inisip mo naman, alam mong posibleng mangyayari.

Umiikot sa tatlong magkakaibigan ang Sixty in the City. Tatlong magkakaibigang matatanda na at magkakaiba ang estado sa buhay. Tatlong magkakaibigang may iba’t ibang ugali at kanya-kanyang pinagdaraanan. May nais na maabot at patunayan sa kabila ng kanilang katandaan. Gustong maghimagsik. Gustong lumaya.

Isang manunulat ang pangunahing tauhan, si Guia. Ngunit naipagpatuloy lamang niya ang larang na nakapagpapasaya sa kanya nang mamatay ang asawa nito. May love interes siya, si Amante. Si Amante, na ‘di hamak na mas bata sa kanya at dating driver ng kanyang asawang si Carmencito.

Nang mamatay nga si Carmencito, nagpasiya siya, si Guia, na lumipat ng bahay. Ibinenta niya ang kanyang mga ari-arian. At sa paglipat niyang iyon, kasama sa iniisip niya si Amante. Hindi rin niya ipinaalam sa mga anak kung saan siya nakatira dahil sa lalaki. Paano nga naman kung naroon ito at biglang dumalaw ang mga anak niya? Hindi. Hindi siya papayag na matuklasan ang kanyang lihim.

Lumabas ang kauna-unahang libro ni Guia ng mga tula nang mamatay siya. Mayaman si Guia, ngunit namatay ito sa isang motel.

May kaya rin sa buhay ang kaibigan ni Guia na si Roda. Nang malaman nitong nagloko ang asawa ay lumayas ito sa kanilang bahay. Humanap ng sariling matitirhan sa kabila ng katandaan at ninais na mamuhay nang mag-isa.

Pagiging malaya ang hangad ng magkaibigang Guia at Roda. Malaya sa mga responsibilidad—responsibilidad sa asawa at maging sa mga anak.

Sa kanilang tatlo, si Menang ang pinakakawawa pagdating sa kabuhayan. Ngunit salat man sa kabuhayan at pera ang kawawang matanda, masaya naman ang pamilya nito sa kabila ng pagkakalumpo ng asawa nitong si Toby. Isa lang ang hangad ni Menang, ang makauwi sa kanilang probinsiya at makapagpakasal sila ng asawa.

Tatlong klase ng buhay ang matutunghayan sa Sixty in the City na may kalabit sa puso ng bawat makababasa. Sa librong ito, pag-iisipin ka ng nobelista. Pipitikin ang puso mo. Kung anak ka, matatanong mo ang sarili kung paano mo nga ba tinatrato ang iyong mga magulang. Kung magulang ka naman, iisipin mo kung nadarama mo rin ba ang pakiramdam ni Guia, Roda at Menang. Kung kaninong buhay ang kahalintulad ng pinagdaraanan mo.

Oo nga’t nangyayaring hindi na natin isinasaalang-alang ang nararamdaman ng mga matatanda. Basta’t para sa atin, okey sila dahil iyon ang nakikita natin. Hindi natin sila tinatanong o inuusisa. Kung minsan, nakaliligtaan nating may mga pangarap din pala ang matatanda. May mga gusto silang maabot na hindi nila nagawa noong kanilang kabataan.

Nasanay na akong basahin si Lualhati Bautista kahit pa palagi nitong sinasaling ang puso ko. Laging pinaiiyak. Ngunit lagi ring pinatatawa at binibigyang pag-asa. Isa na naman ang Sixty in the City sa tiyak na magbibigay ng panibagong pagtingin sa mga senior citizen—lalong-lalo na sa mga ina at higit sa lahat, sa lahat ng mga anak.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here