Friday, May 7, 2021

Si Jose at ang Diwata ng Kalakhan

Related Stories

Ode to Obrero poets and fiction writers

History has delegated the 1st of May as Labor Day, in recognition of the workers of the world. But in...

Fiesta de Mayo for Mom at Eastwood Richmonde Hotel

TOP PHOTO: The Mother’s Day Bundle gives you great value for your money by offering a filling set good...

Diamond Hotel’s online shopping site features Mother’s Day Specials and new culinary selections

Diamond Hotel Philippines just added new culinary selections to its Online Shopping site onlineshopping.diamondhotel.com to turn mundane home meals...

Nililimasan ni Jose ang tubig-baha sa silong na nangangapal na ang banlik. Araw-araw na niya iyong ritwal. Halata na nga ang guhit ng natuyong lumot sa dingding. Lagi namang may harang ang pintuan na kapirasong plywood para hindi makapasok ang mga kalat at basurang dala ng tubig, lamang ay putik naman ang naiiwan sa ilalim. Ang lahat ng kagamitan sa bahay ay pirming nakataas na, iyong hindi maaabot ng tubig. Kaya lang, nasira rin ang mga ito dahil sa singaw ng tubig alat: kinalawang at nag-asin na ang loob ng radyo, tv, at bentilador. Sinisisi niya ang Diwata ng Kalakhan, kaya hangga’t maaari, hindi niya hinahayaang mamalagi ang tubig sa loob ng bahay, maglilimas siya hanggang sa matuyo. Kinalakihan na ni Jose ang kuwentong- bayan  tungkol  sa  nasabing  Diwata.  Ngayong  nasa  hustong  gulang  na  siya,  kahit  paano  ay naniniwala pa rin siya doon, kahit minsan, mapait ang tadhanang dala ng Diwata.

- Advertisement -

Hiyang-hiya siya kay Angeline, katrabaho niya sa isang sikat na kainan ng mami. Hindi kasi ito naniniwala sa mga kuwento niya na ganoon nga ang bikas ng kaniyang bahay, kaya nagpumilit sumama. Matagal na silang magkaibigan. Magkasabay silang nakapasok sa trabaho, may tatlong taon na. May tinatagong pagtingin si Jose kay Angeline at sa pagdaan ng panahon ay tila nagugustuhan na rin siya ng dalaga. Lagi na nga silang tinutukso kung sabay na mag- break time o kapag naghihintayan sa uwian.

Patpatin  lang  si  Jose.  May  katangkaran,  pahaba  ang  mukha  at  mas  mahaba  sa pangkaraniwan ang matangos na ilong. Hindi maganda ang mga ngipin kaya hirap magsalita ng malinaw. Kaya sa kitchen siya na-assign. Si Angeline naman ay katamtaman lang ang taas, pati ang buhok at itsura—siya ang dalagang kaayusan lang, laging pagbibiro ni Jose.

Kakaba-kaba  si Jose habang  nakasakay sa  jeep katabi si Angeline. Hindi naman  sila nagliligawan, walang nagpaalam na manliligaw si ganito kay ganiyan. Naramdaman na lang nila dahil sa mga biruan. Makuwento si Jose kaya madaling makapalagayan ng loob. Sa bako-bakong

kalsada habang papauwi, hindi lang minsan nagkiskisan ang kanilang mga braso, hindi lang din minsan pumatak mula sa noo ng binata ang malamig na pawis.

“Uy.” Nagulat pa si Jose sa bati ni Angeline. “Bakit ang tahimik mo ngayon? Hindi mo ba ako itu-tour dito?”

“First time mo dito?”

“Hmm. Oo. Ikaw lang naman ang taga-rito na kilala ko.”

“A, sige. Yung kalsadang ‘yan, pangatlong beses nang ginagawa sa loob ng sampung taon. Isang taon ginagawa… So, kung tutuusin, may pitong taon lang naging maayos ang daan. Kaya ang malas mo… Next time, dadalasan mo ang pagpunta rito para maranasan mo yung maayos na daan.”

Mayumi ang pagtawa ni Angeline sa pang-uuyam na iyon ni Jose. Naipamalas nito ang kaayusan ding laki ng ngipin na sadyang mapuputi. Lalong pinagpawisan si Jose dahil sa pagka- akit sa ngiti ng kasama. Sino ba ang magtitiyagang ngumiti rin sa dalaga kung alam niyang baka lumabas sa bibig nito ang panunuksong may gusto siya kay Angeline? Si Jose lang. Kahit ni minsan ay hindi nanukso ng ganoon ang kasama. Tiniis niya lang ang ngiting iyon hanggang sa maging utot na lang ang kaninang gumuhit sa gulugod niya pataas hanggang batok. Pinagkibit- balikat na lang niya. Nadaan pa sa isang malalim na bako ang jeep at nauntog si Jose sa kisame. Natawa si Angeline na nagtakip ng bibig.

“Dapat pala, lagi akong pumunta sa inyo, ‘no?”

Nagbingi-bingihan  si  Jose  sa  simpleng  pahiwatig  na  iyon  ng  dalaga.  Di  nagtagal  ay nakarating na rin sila sa kabayanan. Basa pa ang kalasada. “Sabi sa iyo e, may tubig pa.”

Sumakay sila sa tricycle. Alam  ni Jose na  malaki ang tubig kanina. Mabuti na lang at nasaktong ang uwian nila ay oras na ng káti, o pagbaba ng tubig.

“Ay, baha?”

“Sabi sa ‘yo e. Paano, tutuloy ka pa?”

“Oo naman! Nandito na e. Ang layo kaya ng inyo… O ano na? Tara na! Ano ang gagawin ko?”

“Lulusong ka, okey lang sa ‘yo?”

Maalat at bahagyang malansa ang amoy ng tubig na nilusungan nila. Nakaramdam ng pagkapahiya si Jose. Di niya rin akalain na ganoon ang magiging amoy ng bahay, o baka ngayon niya lang napansin dahil hindi na lang siya ang mag-isang nasa loob nito.

Wala  silang  mapaglilibangan.  Ilaw  at  kalan  na  lang  ang  hindi  pa  nasisira  ng  tubig. Napabayaan na niya ang kaniyang tv, radyo, at bentilador. Hindi na niya nalilinis dahil laging pagod mula sa trabaho. Minsan di’y walang gana magkikilos si Jose dala ng lumbay ng pag-iisa.

“Uy.”

Natigatig si Jose mula sa malayong pagtanaw dahil sa pag-iisip kung paano mailulusot sa kasama ang hindi magandang amoy sa loob ng bahay.

“Bakit wala kang kasama sa bahay?” Si Angeline pa rin.

Kinuha ni Jose ang dustpan, saka nilimas ang tubig sa bahay. Sinasalok ng dustpan ang tubig saka niya tinatapon sa labas ng pintuan na may harang na plywood. Waring ‘di nito narinig ang tanong ng kasama. Sa katunayan, matagal-tagal na rin nang huli niyang maalala na nag-iisa na nga pala siya sa bahay. Bumalik ang malamig na pawis sa noo ni Jose na kanina’y naging utot, dahil sa pagtatanong ni Angeline.

Tahimik lang silang dalawa habang naglilimas si Jose. Nag-iikot naman si Angeline sa loob ng bahay kahit wala namang malilibot, tila nililibang ang sarili. Isang kuwadro ng diploma lang ang makikita roon. Si Jose nama’y iniisip ang matagal nang nalimutan o kinalimutang pag- iisa.

“Uy, salutatorian ka pala noong high school?”

Binubukbok na iyon at halos mabura na ang mga detalye ng diploma. Kung mahahawakan nga ang mismong papel ay agad itong madudurog na parang pulboron. Ilang taon pa lang naman ang tagal ng kapirasong papel na iyon, sadyang matindi lang ang epekto ng tubig-alat na dala ng kalahan, maski nga nakakuwadro pa.

Maraming guhit na umiikot sa dingding ng buong kabahayan. May kasing taas na aabot sa dibdib ni Angeline. Ang iba naman ay hanggang tuhod lang. Napansin ni Jose na minamasdan siya ni Angeline. Naramdaman ni Jose ang pagod nito habang pilit nililibang ang sarili sapagkat hindi  sanay  sa  ganoong  kapaligiran.  Samantalang  tiyak  na  rin  ang  pangangalay  ni  Jose  sa matagal na pagkakayuko para maglimas. Kasabay ng paglilimas ang pagwawalis  sa natirang tubig sa loob ng bahay. Ganito ang ginagawa ni Jose para hindi bumaho ang bahay. Kasabay dapat ng káti ang paglilinis. Kapag kasi pinagpaliban niya ay babaho lang, matutuyo ang banlik, mag-aamoy lansa, at mahirap nang linisin.

Hindi namalayan ni Jose na dumilim na. Basta, hiyang-hiya siya kay Angeline dahil sa baho  at  lansa, kahit na  hindi naman  ito  nagrereklamo. Nakita  niya  ito  na  may  inaasikaso  sa cellphone. Baka may ka-text, naisip niya. Gusto sana niyang ayain itong maglugaw sa labas para hindi na sila magluto dahil sa pangambang baka isipin ni Angeline na dugyot ang kaniyang ihahain dahil sa kalagayan ng kaniyang bahay. Pero natameme lang si Jose at tinitigan ng pasimple ang kasama na naka-dekuwatro sa papag, abala sa cellphone.

Isang imahen ng anghel si Angeline para kay Jose. Sa katunayan, iyon ang iniisip niya kanina pa sa loob ng jeep. Hindi ito katulad ni Jenny na matapos mag-cashier ay umaasim na. Para sa kaniya, si Angeline ang paborito niyang marshmallow noong bata na inuuwi sa kaniya ng kaniyang magulang, matamis. Ni hindi nakababawas ng angking kayumian ni Angeline ang pawis nito sa matagal na pagkuha sa order ng mga kustomer. Mas nagpapatingkad pa nga yata iyon at ang manipis na pahid ng lipstick sa manipis na labi, at polbo sa pisngi. Imbes na ganoon lang ang ayos ay kumikintab ang simpleng ganda niya, tila ba nagiging diyamante na maski anong putik ang ipahid ay mananatili ang ningning. Iniiisip pa ni Jose, kung may makakakita sa kanila ngayon ay iisiping namamalikmata lamang sila dahil may anghel sa loob ng bahay na dapat ay mga maliliit na isda lang tulad ng gurami at bulig dahil sa pirmis na pagbaha. Kung ikukumpara sa mga aktres sa kasulukuyan, hindi agad makasasabay ang ganda ni Angeline. Maliit ang ilong nito, malapad ang noo, at pantay ang kulay na kayumangging kaligatan. Wala pa siyang nakikitang anghel na hindi maputi, pero nakasisiguro si Jose na anghel ang iniirog na dalaga, kahit para sa kaniya lang.

“Gusto mo ng lugaw… hmm, ng goto sa labas?” May pag-aalangan sa pagtatanong si Jose. Paano kasi kung hindi pumayag ang dalaga, ano ang gagawin niya?

“Bakit hindi na lang dito?” Hindi naman naghahanap ng sagot si Angeline sa pabalik na tanong na iyon. Wala lang talaga siyang maisagot kay Jose na ngayon lang siya kinausap. “Mahal yata kasi?”

Hindi na sila kumain. Hindi nakasagot sa mga tanong si Jose. Patang-pata na siya sa buong maghapon. Natatalo ng lansa ang pang-amoy niya, o baka malansa na rin ang amoy nito? Hindi na sila nagkakakiskisan ng braso, kung may pagkakataon ma’y hindi na magkikiskis dahil sa malagkit na pawis.

Naglalakad na sila papuntang bayan sa desisyon na rin ni Angeline. Akala ni Akala ni Jose hindi  lang  talaga  ito  sanay  kumain  ng  pagkaing  kalye.  Nakayuko  pa  rin  ang  dalaga  na  may inaasikaso sa kaniyang cellphone. Hindi na sila nakapagkuwentuhan, parehas silang okupado.

“Uy, dito na ang sakayan.” Hindi namalayan ni Jose na naroon na sila sa pilahan ng jeep, itong si Angeline pa ang nagsabi. Okupado ang isip niya sa pagtingin kay Angeline kaya mas tamang sabihin na wala siya sa sarili, na kay Angeline siya.

May isang linggo na nang masigawan si Jose ng kanilang manager. Nagreklamo kasi ang isang kustomer na maalat at may langaw pa ang order na mami. Si Jose ang nagluluto ng mami noong  maalinsangang  hapong  iyon.  Sumagot  siya  sa  manager.  Pinaliwanag  niyang  may tatlumpung minuto na rin ang lumipas mula nang nailabas niya ang mami. Nakita pa nga niyang hindi pa ginagalaw ng lalaking naka-long sleeves ang pagkain noong lumabas siya para ayain si Angeline na mag-ice cream matapos ang kanilang trabaho.

“Sir, thirty minutes na ‘yon do’n. Baka sa labas galing ang langaw. Nilinis naman ni Andy ang kitchen kanina bago ko pinalitan.”

“Salaula ka nga kasi! Nalinis na ni Andy? Tingnan mo, ikaw talaga ang may kasalanan, e!” Nasigawan na kasi ng customer ang manager sa labas at napahiya na ito sa maraming tao kaya gumaganti ito kay Jose. “Sige, paano mo sasabihin ‘yan sa customer?”

“Sir, hindi naman ho kasi laging customer is always right. Baka po sa labas galing ang langaw. Baka po marumi ang dining at nadapuan lang ng langaw.” Marahang nagpaliwanag si Jose na naririndi na sa sigaw ng manager. Pero panay pa rin ang sigaw nito sa kaniya. Alam niyang  dinig  sa  labas  ang  paninigaw  ng  manager.  “Sir,  huwag  niyo  akong  mura-murahin. Nagtatrabaho ako ng maayos dito.” Ilohikal na ang mga sagot ng manager sa kaniya. Nang- iinsulto na ito, kesyo bakla raw siya, walang pinag-aralan, walang modo, at walang kuwentang salaulang kupal. Nasusunog na ang ginigisang bawang at sibuyas sa kumukulong mantika na niluluto ni Jose, na nakasalang na bago pa siya sigaw-sigawan ng manager.

“Yung kawali!” sigaw ni Angeline nang pumasok na sa loob ng kitchen para awatin ang mga katrabaho. Iniwan niya si Jenny para magkahera mag-isa. Lumapit ito sa kalan sa loob ng kitchen at papatayin na sana ang apoy pero pinigilan siya ni Jose.

Kagyat ang pagtahimik sa loob ng kitchen. Ang mga ginigisang bawang at sibuyas para sa chopseuy at kumukulong sabaw ng mami ang namayani noong oras na iyon. Natigagal ang lahat bago saklolohan ang manager.

Suspendido na sana si Jose noong araw rin na ‘yon sa lalà ng tinamong lapnos sa pisngi ng manager. Hindi pa nila alam kung third degree burn lang ba ang tinamo nito o mas higit pa. Pero wala na silang makukuhang kapalit agad-agad. Mahihirapan ang may-ari na mawalan ng manager at isang kusinero sa loob lang ng isang araw. Kaya hindi muna pinaalis si Jose. Pero kakaltasan ang sahod niya para sa pampagamot ng manager. Pumayag muna sa ganito si Jose sa  pangako  na  kakausapin  ng  may-ari  ng  kainan  ang  kanilang  manager  na  hindi  na  siya idedemanda.

Mula  nang  mangyari  ito,  masyado  nang  matipid  magsalita  si  Jose.  Hindi  na  siya makuwento.  Lagi  siyang  kinakausap  ng  mga  katrabaho  pero  hindi  niya  naririnig  o  kaya’y nagbibingi-bingihan. Kung sabagay, ang katahimikan lang naman ni Jose ang napansin ng mga tao  na  nagbago. Iniisip  lang  nila, at  ni  Angeline, na  lilipas  din  iyon  at makababawi rin  ito  ng kumpiyansa.

Nakasakay na sa jeep si Angeline at naiwan si Jose. Patago ay nag-aalala siya para rito. Ang kausap kanina ni Angeline sa cellphone ay si Jenny na nagbigay dito ng ideya na samahan si Jose. “Parehas naman kayong may gusto sa isa’t isa.” Palaging sulsol ni Jenny.

Ramdam ni Jose ang malasakit ni Angeline, na gusto rin nito na makakuwentuhan siya, ang tulungan siya. Pero noong sinamahan siya ni Angeline sa bahay, naunawaan niyang ang nararamdaman nito ay awa lang imbes na kapurit na pagkabagabag, o kahit kapirasong interes na kilalanin pa siya at maintindihan ang hirap, o pighati, o poot.

“Jen, di ko alam, awa lang ang naramdaman ko sa  kaniya. Alam  mo yun, OT na siya kanina tapos may isang oras pa siyang naglilinis  lang ng bahay kasi binaha. Hindi kami nag- dinner kasi baka magastusan pa siya e malaki nga ang kaltas sa kaniya ngayon di ba? Tama ba yun Jen? Dapat pala ako na nanlibre. Tanga ko.” Agad na nabasa ni Jose ang text message na iyon mula kay Angeline na malinaw na hindi para sa kaniya. Gusto sana itong sagutin ni Jose pero  mas  nagtuon  siya  sa  papalayo  nang  papalayong  imahe  ni  Angeline  mula  sa  jeep  na sinasakyan nito. Tama nga si Jose, awa lang iyon.

Nawalan ng gana si Jose maghapunan, o wala naman talaga siyang balak dahil nasanay na  rin  siyang  hindi  naghahapunan.  Pagkauwi’y  agad  siyang  nahiga  sa  kaniyang  papag. Naghahabi na naman ng bahay ang malaking gagamba sa kaniyang kisame. Parang natupad na nito ang pangarap sa buhay na magtayo ng isang subdivision village. Siguro’y negosyante rin ang gagambang ito na nagbebenta ng bahay, o kaya ay tulad niyang manggagawa na napapagod pero walang naiuuwing kitá. Inisip ni Jose kung katulad din ba niya ang gagamba—nag-iisa at hinahanap ang katuturan ng sariling buhay, ang silbi niya sa mundo.

Akala niya noo’y may silbi na siya dahil sa masarap niyang mami at chopseuy, at dahil kay Angeline. Yon ang gumuguhit sa dibdib ni Jose, ang pagpapamukha sa kaniyang wala siyang silbi ng napahiyang manager. Unti-unti, nitong nagdaang mga araw, hindi niya napapansin na umaakyat ang guhit na iyon sa kaniyang batok, hanggang sa magulo na nito ang kaniyang pag- iisip. Nitong umaga nga ay tumawag lang si Angeline sa kaniya para ipaalalang may duty siya, kung hindi, baka AWOL na siya kanina.

Sa palagay niya, lagi niyang kasama si Angeline. Kaya siguro nagustuhan niya ito. Para bang laging ang saya-saya na parang walang problemang dinadala sa buhay. Para bang wala itong kabiguang naranasan sa buong buhay, maski magutom sa loob ng isang linggo, parang gano’n. Parang gano’n dahil hindi niya naman lubos na kilala ang dalaga. Ano ba’ng mapapala niya sa manipis na impormasyong mayroon siya tungkol kay Angeline. Ni ang paborito nitong kulay ay hindi alam ni Jose. Hindi kasi siya nagtatanong, panay lang ang kuwento niya.

Gusto  niya  sana  ang  lasa  ng  kape  noong  gabing  iyon,  pero  kailangan  na  niyang magpahinga, kahit hindi siya makatulog. Naiihi nga siya kanina pa pero hindi siya bumangon para gawin ito. Walang lakas na nagtutulak sa kaniya na gawin ang mga gusto niyang gawin, o dapat na gawin. Nakatunganga lang siya. Inaalala ang mga alaala ng pagkabata niya.

Noong grade 3 na hindi sila pumapasok sa eskuwela para lang maligo sa ilog. Kahit lagi naman nilang hinuhubad ang kanilang uniporme bago maligo para pag-uwi, kunwari ay galing lang sa eskuwelahan, lagi pa rin siyang napapalo ng kaniyang ina. Palaisipan sa kaniya kung paanong nalalaman ng ina na naligo sila sa ilog. Hanggang sa lumaki na siya at nalamang ang mga bagong ligo pala sa ilog ay sunog ang balat dahil sa sikat ng araw at alat ng tubig.

Disyembre na at sa mga ganitong panahon, dalawang beses lumalaki at pumapasok ang tubig sa mga bahay gaya ng kay Jose. Tubig Katanglaw ang tawag nila. Ngayong hatinggabi ay nagsisimula nang pumasok ang tubig at mamayang madaling araw na ang káti. May kalakhan ng tubig sa gabi at umaga. Tabing-ilog ang bahay ni Jose, kaya siya ang unang dadalawin ng tubig at huling iiwan nito. Mamayang umaga, kailangan niya ulit limasan ang bahay bago pumasok sa trabaho. Naiisip niya pa lang ito, napapagod na siya.

Naalala pa niya ang kuwento ng nasirang ama tungkol sa kalakhan, ang paglaki ng tubig o high tide. Ayon dito, pagbisita ito ng tubig na paraan ng kalikasan para laging mabisita ang mga tao.  Ang  unti-unting  pangangapal  daw  ng  lumot  at  banlik  ang  paraan  nito  upang  sanaying mamuhay ang mga tao palapit ulit sa kalikasan. Malupit din daw ito dahil sa sinasadyang sirain ang mga kagamitang gawa ng tao, upang maintindihan daw na hindi naman ito ang natural na paraan ng pamumuhay. May aral daw na gustong iparating ang araw-araw na paglilimas nila— bagay na hindi maunawaan ni Jose; bakit nga ba laging bumabaha? Dagdag pa ng ama, ang tao ay hindi namamatay hangga’t hindi ito bumabalik sa kalikasan, sa kalakhan. Sa kanilang lugar nga, ang Diwata ng Kalakhan. Tunay na lumaki si Jose katabi ang tubig. Sabi nga ng tatay niya kakambal pa niya ito.

Hindi kailaman nagkuwento si Jose tungkol sa Diwata ng Kalakhan, kanino man. Para sa kaniya’y hindi ito totoo at walang kabuluhan. Pero ang diwata ang sinisisi niya sa pagkawala ng kaniyang magulang. Nalunod ang tatay niya habang nag-uumang ng pamanti sa mga singit-singit ng bakawan. Nakontamina naman ang kaniyang ina dahil sa mga mikrobyong humalo sa inumin nito noong nilalagnat dulot ng kalungkutan sa pagkawala ng mahal na asawa. Halos magkasunod ang pighating ito sa buhay ni Jose. Kaya ano pa ba ang silbi ng diwata? Hindi na siya bata na sasagipin nito tulad noong minsang naligo sila sa ilog at pinulikat siya. Naramdaman niyang may humila sa kaniya papunta sa nakaparadang bangka. Mag-isa lang siya noon dahil may test sa eskuwela, siya lang ang naglakas ng loob na mag-cutting sa klase. Iniiba niya ang alaala na iyon. Sasabihin niya: nakatulog lang siya sa bangka matapos maligo sa ilog, at baka napanaginipan niya lang ang pamumulikat ng kaniyang binti. Ayaw niyang maniwala na niligtas siya ng diwata. Ngayon na lamang ulit sumagi sa isipan ni Jose ang kuwentog iyon ng ama, ngayong wala siyang maisip.

Hindi  lang  naman  siya  ang  naninisi sa  Diwata, maski ang  kaniyang  ina. Nadalas  ang pamamantí ng kaniyang ama sa mga bakawan sa kabilang ibayo ng ilog. Sa pagkakatanda ni Jose sa kuwento ng ina, noong una, inaakala nito na nababarkada ang asawa at natututong mag- iinom. Pero hindi naman umuuwi ng lasing ang asawa. Baka raw nagsusugal, pero hindi naman nababawasan ang kanilang pera. Ang pinakamabigat na paratang, may kinakasama ang ama niya.  Isang  hapon  habang  nasa  palengke  ang  ina  niya  para  ilako  ang  nahuhuling  tilapia  ng kaniyang ama dahil sa dami na nang naiuuwi nito sa walang tigil ngang pamamanti, sinundan ni Jose ang ama sa bakawan sa kabilang ibayo. Walang kabarkadang kainuman ang ama, maski kasugalan. Naroon lang iyon, hinahango ang pantí na inumang niya lang kahapon pero puno na ng mga isda. Hindi nagtagal ay natuklasan niya na tumpak ang ina niya sa huling hinala.

“Mahal kong Diwata, handa na ako.”

Iyon ang huling pangungusap na narinig niya mula sa ama bago ito lumusong. Agad na tumawid  ng  ilog  pabalik  sa  kanilang  bahay  si  Jose  para  isumbong  sa  kaniyang  ina  ang ginagawang pagtataksil ng ama. Pero hindi na umuwi ang kaniyang ama noong gabing iyon. Galit na galit ang kaniyang ina na nagpunta sa kapitan at sinumbong ang asawa. Lumipas pa ang dalawang araw bago ipa-blotter sa pulis ang hindi nito pag-uwi. Ngunit walang asawa at ama na nakita  hanggang  sa  umalingasaw  ang  masangsang  na  balitang  may  sinalvage  daw  sa  mga sasahan ng kabilang baranggay. Agad nakita ni Jose at ng nanay niya ang bangkay ng ama—puno iyon ng lumot at nagbabanlik na ang mga butas ng katawan. Palaisipan kung papaanong sinapit   ng   mangingisda   ang   ganoong   pagkamatay.   May   mga   matatanda   sa   bayan   na nagsasabing  mapangahas  ang  kaniyang  ama—nakipagtalik  ito  sa  Diwata  ng  Kalakhan  na ikinamatay nito. Hindi makapaniwala ang ina ni Jose. Pero nakita ni Jose ang huling sandali ng ama, bago ito lumusong sa may bakawan, sinambit nito ang “Mahal kong Diwata, handa na ako.”

Kinaumagahan ay naglimas nga muna si Jose bago pumasok sa trabaho. Hindi kumibo si Jose maghapon. Wala namang masyadong kustomer kaya hindi kailangang mag-usap-usap tungkol sa kanilang diskarte sa pagluluto sa kitchen. Nagtatanguan lang sila. Tango lang din ang pagpapaalam sa may-ari ng kainan bago umuwi. Hindi rin niya  inalintana ang mga pagbati ni Angeline. Naalala tuloy ng dalaga ang kawalan niya ng modo sa pag-iwan niya kay Jose kagabi.

“Uy, ano’ng nangyari sa inyo kagabi? Hindi mo na ako ni-reply-an a.” Inusig ni Jenny si Angeline.

“Ano? Nag-reply ako sa iyo.”

“Wala a.” Nakalayo na si Jose nang maalala ni Angeline kung kanino niya nai-send ang text message kagabi.

Pag-uwi ni Jose sa kaniyang bahay, hindi pa lumiliit ang tubig. Kagabi pa niya inuunawa ang kuwento at ang sinapit ng kaniyang ama: ang tao ay hindi namamatay hangga’t hindi ito bumabalik-nakikipagtalik sa kalikasan, sa kanilang lugar nga, ang Diwata ng Kalakhan.

Inumpisahan niyang wisikan ang kaniyang ulo at leeg, binuhusan ang balikat, hanggang mahiga na siya sa maalat na tubig. Naghubo’t hubad siya. Nakipagniig siya rito, sa maalat na tubig. Pinakapit niya ang mga banlik at lumot sa katawan. Nakita pa siya ng mga kapitbahay at inakalang nasisiraan na ng bait dahil sa araw-araw na pakikisalamuha sa maalat na tubig ng kalakhan. Aba’t parang bata na walang pakialam kung may nakakikita sa kaniyang walang saplot na katawan tulad noong grade 3 sila na naliligo sa ilog.

Hinatinggabi si Jose sa pagtatampisaw, sa gitna ng kabilugan ng buwan. Hindi kumatí ang tubig noong gabing iyon sa bahay niya.

Kinabukasan, makaisang linggo, isa-tatlo hanggang anim na buwan, hindi na nakita ng mga kapitbahay si Jose. Di nila alam kung saan nagtungo at kung bakit di na nakauwi, o umuwi. Walang  nakakita  sa  kaniya  sa  mga  tambay  ng  gabi,  ang  mga  naka-duty  na  tanod,  at  ang sangkaterbang cctv sa poste ay nawalan ng silbi. Walang nakakita kay Jose.

Dineklarang terminated ng may-ari si Jose dahil hindi na pumapasok.

“Sir, paano po yung backpay ni Jose?”

“Angeline, kulang pa sa pampagamot ng manager natin ang dapat ay backpay niya.” “Kawawa naman po si Jose.”

Nawala  si  Jose  matapos  magtampisaw,  bumalik,  at  makipagtalik  sa  kalakhan,  sa kalikasan, sa diwata. Nagsa-banlik na rin siya.

Tuwing kabilugan ng buwan, maririnig ang paggalaw ng tubig sa bahay ni Jose. Kahit hindi kalakhan, kahit puno na ng banlik at lumot ang buong kabahayan, kahit natutuyo ang mga ito sa panahon ng tag-init.

Kahit wala nang nakatira rito. G

- Advertisement -

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Just In

Ode to Obrero poets and fiction writers

History has delegated the 1st of May as Labor Day, in recognition of the workers of the world. But in...

More from this section

- Advertisement -