Gipit
Kapag kawalang-wala,
Nandiyan mayâ’t mayâ;
Pagtanggap ng biyaya,
Wari mo’y nagsabula.
Sino?
Nang ihain ang dalág,
Nagsipasok ang lahat;
Ay, sinong maghuhugas?
Isa-isang lumabas.
Bugaw
Iyon bang batang-bata
At tiyak na sariwa?
O iyong dalubhasa
Ngunit medyo bilasa?
Hambog
Sakay ng kotseng lantad,
Pulang-pula’t matingkad,
Mamahali’t di huwad;
P’wede namang maglakad.
Kampanya
“‘Nay, mayro’ng politiko,
Gustong pumasok dito;”
“‘Nak, pinto’y ikandado,
Baka nakáwan tayo.”
Ang tanaga ay maiikling anyo ng katutubong tula na umiiral bago pa man ang pagdating ng mga Kastila sa Filipinas. Ito ay mayroong iisang saknong lamang na binubuo ng apat na taludtod, isahan o mono rimang tugmaan at may sukat na pipituhin ang bawat taludtod. Maiikli ito dahil ginagamit ito ng mga sinaunang katutubong Pilipino upangmadali ang pagkabisa ng pinapaksa o anumang bagay-bagay. Ang iba ay ginagamit bilang salawikain at bugtong.