Wednesday, June 23, 2021
Home Essay Leona: Isang sulyap

Leona: Isang sulyap

(Isang Yugtong Monologo)*

Ilang Paliwanag:

    Ang monologo ay may tratong daloy ng kamalayan (stream of consciousness); samakatwid, walang pagdama sa oras, panahon o tagpuan ang tauhan.

Maglalabas-masok sa kasalukuyan at nakalipas Leona. Iisa ang tagapagsalaysay at si Leona, magpapalipat-lipat sa kanilang dalawa ang dayalogo at eksena at madarama lamang ito sa pagbabago ng himig o damdaming inilalahad ng dayalogo.

    Ang tagpuan ay maaaring impresyon ng bahagi ng isang silid noong panahon ng Kastila, prominente ang iisang antigong eskritoryo (study table) na nasa gawing kanan.  Isang malaking salamin sa may gawing kaliwa; at sa may gitna,  isang sopa o upuang  may kaharap na mesita. (Maaaring magbago ang  tagpuan batay  sa direksyon ng monologo).

ORAS:  Hapon

    Papasok sa tanghalan si Leona/Tagapagsalaysay.  Nakasuot siya ng di-kahabaang kapa, panandang kasuotan ng elitistang Kastila kung nanggagaling sa Paglalakbay. May suot siyang sombrerong pambabae na taling laso sa baba, hapung-hapo na  wari’y nagmula sa pangangabayo. Pagpasok, aalisin niya ang sombrero at ilalapag sa upuang nasa may gitna.

TAGAPAGSALAYSAY:

    Nariyan na pala kayo.  Magandang hapon sa inyong lahat.  Matagal na siguro

Kayong naghihintay.

    (Lalakad sa may gitna).  Alam ko ang inyong sadya.  Ibig n’yo siyang makilala… si Leona, ang babaing itinadhanang maging “Unang Sappho ng Pilipinas” sapul pa sa pagsilang.  LEONA FLORENTINO… maaaring narinig na ninyo ang pangalan.  Maaaring hindi pa. Ngunit ayon sa mga napakadalang na mga tala ukol sa kanyang buhay, siya ang kauna-unahang makatang Pilipina na ang mga tula’y nagkaroon ng pandaigdigang pagkilala.  Napabilang sa kinilalang

Bibliotheque Internationale De Oeuvres De Femmes ang mga natatanging tula niya, pandaigdig na kalipunan ng mga obrang sinulat ng mga babae.

    Kilala natin sin Leona dahil na rin sa pagpapakilala ng naging tanyag na anak niya, si Isabelo de los Reyes, ang nagtatag ng Independencia Filipina.  Ang ginoong ito na walang pahayag kundi papuri sa kanyang mahal na ina’y nagpunyaging mailathala ang mga tula at maipagkaloob sa mga ito ang karampatang pagkilala ng daigdig.

TAGAPAGSALAYSAY:

    Dinadaramdam kong biguin kayo (unti-unting huhubarin ang kanyang kapa). Hindi ko rin gaanong kilala si Leona.  Walang ibang makakikilala sa kanya nang lubos at ganap liban sa kayang sarili.  Kilala ko lamang ang panulat niya… ang mga taludtod na tigib ng tamis, may hagkis ng hinanakit, puno ng lungkot… umaawit o dumaraing… (tutula)

        Ipinagkatiwala ko sa iyo ang buong buhay ko.

        Mapatid man ang hininga, matatamo kung nais mo…

        Aluin lang sana ang puso kong humihibik

        Sa iyong kapangyarihan nagmamakaawang lumalapit

        Pagbulaybulayin itong pagpapakasakit

        Na sanhi ng mga taghoy kong mapait,

        Pagkat kung mapasaiyo ang pag-ibig na humihibik

        Sa iyong libinga’y luluha ring walang patid…

(Ibababa ang kapa sa sandal ng upuan at saka lalapit sa eskritoryo.  Matagal, iisa-isahin ang mga papel na kinasusulatan ng mga tula, saka hahayaang bumagsak

nang dahan-dahan sa lapag.)

LEONA:

    Ito ang aking daigdig… Isang tuldok sa Ciudad Fernandina, ang magilas, mayaman at maharlikang bayan ng Vigan.  Dito ako isinilang… dito ako mamamatay.  Ang totoo’y para na akong patay!  (Tatakbo sa mesang kinapapatungan ng isang basi, magsasalin sa baso at walang patumanggang iinom.)  Sssshhhh… huwag ninyong ipagsasabi.  Hindi nila dapat malaman.  Ngunit ginagawa koi to…

Umiinom.  Nakakatulong din naman.  Nalulunod ang aking lungkot, namamanhid ang aking pangungulila… kahit sandal… ngunit hindi nila dapat malaman.  Hindi dapat!  Walang sinumang babae sa panahong ito ang tumitikhim ng alak, ngunit ginagawa koi to… sa lihim… (isang mapait na tawa).  Nabubuhay ako sa pagkukunwari!

TAGAPAGSALAYSAY:

    Isinilang si Leona noong ikalabinsiyam ng Abril, mil otso siyentos kuwarenta’y nuwebe.  Kabilang ang pamilya niya sa pinakamayayamang angkan sa Vigan.  Sinasabing ang yaman nila’y galing sa mga pataniman ng bulak, tabako at tayum.  Pinahahabi ang inaani nilang bulak at ipinagbibili sa iba’t ibang bayan, pati na sa Maynila.  Ang apelyidong Florentino, ayon sa mga nakakikilala, ay nangingibabaw sa mataas na lipunan ng Ciudad Fernandina na kinabibilangan din ng mga Singson at De De Los Reyes.  Sapagkat nang mga panahong iyon ay hindi

katakatakang magkapangasawahan ang magkakamag-anak lalo na mayayaman, pinsan ni Leona  ang nakaisampuso niya. Iyon ay si Elias De Los Reyeas, ang kauna-unahang lalaking nagkalakas-loob na hingin ang palad niya sa kanyang ama.

LEONA:

    Katorse anyos  lamang ako noon… (bubuntong-hininga).  Bago pa lang halos dinaratnan… Pero iyon ang pasya ni Papa, mag-asawa na ako.  Nangangamba siyang  ikapahamak ko ang pagiging matabil, pilosopa, at pagiging mapangatwiran.  Ayon kay Manang Felipa, nakatatandang kapatid ko, matalino ako, matatag, malakas ang loob. At ang mga katangiang ito’y hindi angkop sa isang nagdadalagang tulad ko. “Basta ya!” sabi ni Papa.  “Wala nang rekla-reklamo pa!”  Hindi siya masyadong interesado kay Elias, pero mas mabuti raw na mag-asawa ako kaysa mag-aral sa Maynila na tulad ng hinihiling ko.  Umiyak ako noon.  Umiyak nang umiyak. . . .  .ayaw ko kay Elias.  (Mat-iiba ang boses)  “Kawawa ka naman, Senyorita, mag-aasawa ka sa hindi mo gusto.  Talaga namang salbahe ang Elias na ‘yan… numero unong babaero.”  (Paimpit na hihikbi)  Manang, bakit di mo ipaliwanag kay Papa?  Sa lahat ng dako’y balita.  Laman ng mga bahay-aliwan si Elias kahit didisisais pa lang! (Hahagulgol ng iyak)  Tulungan mo ako, Manang!  (Magpapalakad-lakad)  Ang naging pasya ni Papa, paano ko iyon malilimot?  Iyon ang kauna-unahang kalupitang iginawad sa akin ng isang lalaki… kung hindi ko ibibilang ang aking pagkasilang.  Itatanikala ang aking kabahagi (Sasapuhin ang sinapupunan) … ito lamang ba ang mahalaga sa kanila?  Bakit?  Hindi ko maunawaan bakit.  (Mag-iiba ang tinig, lalaki)  “Dahil tumutula ka… tumutula… At mapanganib iyan para sa isang babae.  Inoopisyo mo ang isang tungkuling nakaukol lamang sa mga lalaki!”

TAGAPAGSALAYSAY:

    Bago pa man magkatorse’y kilala na sa pananaludtod si Leona Florentino. Sinlikas ng pagsikat ng araw sa umaga at paglaganap ng dilim sa gabi ang pagberso sa kanya.  Lumilikha siya ng nga daniw bilang alaala sa mga kaibigang may kaarawan.  At iyon ay karaniwang binibigkas niya habang inaakda!  Masasabi n’yong talagang hindi pangkaraniwang katangian.  At dahil na rin dito kung bakit walang  pagtitipong masasabing masaya sa Ciudad Fernandina na hindi kinatatampukan ng pagtula ni Leona.  Naging bantog si Leona sa pagtula…  at ang kabantugang ito na rin mismo ang kanyang naging sumpa.

LEONA:

    (Nagsusulat ngunit malakas na binibigkas ang kanyang isinusulat na tula):

    Umaapaw ako sa mahahapding hibik, pag-ibig!

    Mandi’y wala nang katapusan ang dinaranas kong pasakit!

    Hala, tahan na, tahan, tahan na’t itong buhay

    Walang alinlangang sa  katawang kapuspalad ay papanaw.

    Ay, pag-ibig, anong kirot,

    Ang kamatayan kapag dumating ay kaylungkot,

    Pagkat ang isang umiibig na di iniibig

    Pag nasaksihan, masakit sa kalooba’t isip.

    Gayuma mo’y walang habag, pang-akit mo’y malupit…

(Tuluyang mapapahagulgol ng iyak si Leona).

    Elias… Elias… (Mapapasubsob sa sulatan)  Natutuhan kitang mahalin dahil nagkaroon tayo ng mga supling.  Ngunit nasaan ka?  Naririto ako’t nangungulila…

Parang ibon kang namamayagpag, palipat-lipat kung saan-saang pugad. (Uubo, magtitinig-lalaki)  “Wala kang dapat sisihin kundi ang sarili mo … at ang punyetang pagtulang iyan!  Tignan mo ang sarili mo!  Nahuhulog ang katawan!

Wala kang ginawa gabi’t araw kundi tumula!  Hindi mo na binigyan ng kahihiyan ang kalagayan ko bilang alkalde mayor ng bayan!  Para kang luka-luka! (Tatayo, mamasdan ang sarili sa salamin).  Ito na lamang ang aking aliw. (Mamasdang mabuti ang panulat).  Sa mga sandaling ginigiyagis akong panimmdim dahil alam kong ika’y nagtataksil, idinadaloy niya ang aking mga luha.  Siya lamang ang tapat sa akin…

(Muling tutula) ang tula…

Lagi kong inaasam ang iyong tamis

bawat gabing ako’y madlip,

wari’y kausap kita’t dumaraing

inihhibik sa iyo and lungkot ko’t lagim.

Sana, sa pagsusumamo ko’y magnilay ka

mahapding mapait ang aking nadarama

pagkatiwala man lang pag-asa’t pagmamahal

wawakasan ko na yaring pagdurusa.

Oo, Mahal, ano pa ba ang aking hihintayin

kung lupit mo lamang ang aking aanihin,

lalong matamis pang aking tataanggapin

ang kamatayan kung ikaw ang nagbilin.

(Matagal na mapapahinto).  Ngunit bakit nga ba ako tatangis?  Hindi ko siya dapat iyakan.  Hindi siya karapat-dapat.

“Hindi ako dapat magmakaawa…

Hindi mo mahihintay na ako’y magmakaawa

Kung ako’y iyong iiwan, tatalikuran

Mabui nga’t aking maiiwasan

Ang pag-ibig na tigib ng dita.”

    Hindi si Elias… si Beloy lamang… ang aking panganay.  Isabelo, pangalang isinunod ko sa aking Ina… ngunit ni ayaw nilang ipasyal sa akin si Beloy at ang iba pa. Wala tuloy akong pananda sa mga naging kasunod niya… ilan nga ba sila? (Mag-iisip.)  May sakit daw ako… Hindi maaaring mag-alaga ng anak.  Inalis niya sa akin ang lahat.  Anong lupit mo, Elias!  (Uupo sa sahig)  Ang anak ko… natatandaan ko ang pagtakbu-takbo niya rito…(parang hahabuli ng kamay)  )  O, o baka mahulog, dahan-dahan.  Huwag sabi ‘yan…heto, halika, may pagkain ako o.  Teka, teka… hagkan mo muna ang Mama… (Iaamba ang pisngit sa pagtanggap ng halik)  Ang lambing ng anak ko!  Eto, ayusin mo ang pagkain, konti-konti  baka ka mabulunan. O, tignan mo, nadumihan tuloy ang damit… Sige na nga.  Castora, ikaw na muna ang mag-alaga sa kanya.  Tignan mo’t tangka na namang galawin ang mga sinusulat ko. Hala, kapag hindi mo ako tinulungan diyan kay Beloy, wala kang tula sa kaarawan mo! (Tatawa)

TAGAPAGSALAYSAY:

    Si Castora ang isa sa mga kaibigan ni Leona.  Suki niya sa basi.  Lagi niya itong nireregaluhan ng tula.  Sapagkat dalaga pa hanggang sapitin ang gulang na dalawampu’t walo,  isang mapanudyong tula ang iniregalo ni Leona rito.  Tandang-tanda ko pa ang mga linya:

    Katulad mo ang lupaypay na hasmin

        Kapag edad beynte otso na ang narrating

        At dapat lamang na mabahala

        Sa papalapit na pagkalanta.

    Pagkat anupamang pantukod

        Ang gawin kung gumigiray-giray na

        Tiyak pa ring mahuhulog

        Pagkat naglaho na ang alindog.

    Kung gayo’y iwasan na asad

        Itong ugaling masama sa lahat

        Ipakita mo rin ang kariktan at lusog

        Kahit maabutan ng pagkalaos.

May pitong saknong ang kabuuan ng tula.  Sa bandang huli’y madaramang may Pagkamapanukso si Leona… may pagka-erotika rin kung tutuusin ang isinasaad ng lamyos at lambing.  Si Isabelo de los Reyes mismo ang nagpapatunay nito.  Walang nakaunawa sa kanya, bagaman kinikilala ng lipunan ang kahusayan niya sa pananaludtod, itinuturing iyong lumalampas sa sa hangganan ng kabutihang-asal ng isang babae. Totoong inaalayan siya ng mga palakpak at papuri, subalit sa loob, naaagnas si Leona. May himig ng lumbay ang mga salita ng karamihan sa kanyang mga tula, may kulay ng lungkot.  Lalong tumindi ang alab ng pangungulila ni Leona nang tuluyan siyang iwan ni Elias.  Sa Maynila ito naglagi, sinasapantahang nagtatag din doon ng pamilya.  Sinisisi niya si Leona dahil hindi maalagaan ang mga anak, dahil wala itong ginawa kundi ang tumula.  Sa tindi ng pagdadalamhati, nagkasakit si Leona.  Namatay siya sa sakit na tuberculosis sa batang-batang gulang na tatlumpu’t lima.  Iisang pangalan ang tinatawag niya habang naghihingalo…. Si Isabelo.

LEONA:

    (Maputlang-maputla, masikip ang paghinga, masasal ang pag-ubo)  Inilayo nila sa akin ang anak ko!  Maghimagsik ang karapat-dapat!  (Maniningkit ang mga mata sa galit)  Tama nga ba sila?  Nasisiraan ako ng bait?  May sakit? (Muling uubo)

Nasa Maynila na si Elias, hindi na umuuwi… Na kay Manang Felipa si Beloy…Ako’y narito (Mapapaiyak) … nag-iisa, nagpapalutang ng tula sa aking mga luha.

(Magpipilit tumayo mula sa pagkakasandig sa sopa) … Ang aking mga tula… pumpon ng natipon kong pangungulila… kanino ko ito ipamamana?  (Magpipilit makarating sa eskritoryo habang nanghihina’t sinasasal ng ubo).  O buhong at mabangis, wala kang kasinlupit!  (Babasahin ang nasa unang pahina ng mga nadakot na papel.)

    Buong buhay ko’y sa iyo ko ipinagkatiwala

    Kung nais mo’y mapatid ang aking hininga…

    (Uubo)

    Pagbulaybulayin itong pagkakasakit

    Na sanhi ng mga taghoy kong mapait

    Pagkat kung mapapasaiyo ang pag-ibig na humihibik

    Sa iyong libinga’y luluha ring walang patid.

    Ang bangkay ko’y tataghoy  nang buong giting

    At ang sinumang makarinig ay sasabihin,

    Ay, kahabag-habag, kapalaran niya’y walang kasimpait

    Pagkat nabigo at ni walang umibig!

(Mababasag ang tinig) Malupit ang pag-ibig sa akin.  Si Elias at bato, bakal, walang pagmamahal.  Ibig niya sa babae’y maamo, walang malay, sunud nang sunod sa lahat niyang kagustuhan.

    Isinusumpa ko ang araw nang ako’y isilang.

    Ninasa ko pa sanang lalo ang ako’y namatay

    Tinangka kong ihibik ang aking damdamin…

    Ngunit hindi ang dila kong mahiyain.

(Muling mapapaubo)  Ang katulong, papalapit!  Pihong itatanong niya  kung ako’y nagugutom, uminom na ng gamot.  Babalik ako sa higaan upang maisip niyang ako’y

natutulog na… ngunit (Makikita ang basi) hindi ako dapat magpahinga… may ipagpapatuloy pa! (Hahayaang malaglag sa sahig ang mga manuskrito ng tula)

Hindi raw ito gawang babae… (Madudulas sa paglapit sa mesang may basi, Mapapaigik) … ang uminom, ang tumula… (Magpipilit lumapit sa mesa, mahinang-mahina habang patuloy ang pag-ubo)  Ngunit bakit ba nila itinatakda ang kasarian?

(Uubo. Iinom ng basi bote)  Anong malay nila sa pagiging babae o lalaki?  Ako’y ako… nagkataong babae sa buhay na ito, nagkataong makata, nagkataong ina, nagkataong nangungulila! (Sasasalin ng ubo).  Wala akong ibig ngayon kundi ang mayakap si Beloy.  Beloy, nasaan ka? Nasaan ka, Anak?  (Iiyak)

LEONA:

Batid ng Diyos na hindi kita ibig mapawalay… hindi koi big talikuran ang pagka-ina ko sa iyo… Beloy! (Uubuhin.  Lulungayngay ang ulo).  Ibangon mo ang pangala ko,

Anak… Ibangon mo!  (Mamamatay).

Ruth Elynia Mabanglo
Ruth Elynia Mabanglo is a poet and playwright in Filipino. She is a retired Professor Emeritus of University of Hawaii which she served for 27 years. She was coordinator of the UH Filipino and Philippine Literature Program from 2011 until her retirement in 2016. Ruth designed the curriculum of the only BA degree in Filipino and Philippine Literature outside of the Philippines. During her stint at the University of Hawaii, she became president of the Hawaii Association of Language Teachers (HALT) and the Council of Teachers of Southeast Asian Language (COTSEAL). She authored six books on poetry and two anthologies of her plays. She received numerous awards in poetry and plays from various institutions like the Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, Talaang Ginto of the Komisyon sa Wikang Pambansa, and Samahang Balagtas. She was awarded Poet of the Year (Makata ng Taon) in 1992 and the Dangal ni Balagtas in 2017.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Latest Stories