BATHALA NG PAGGAWA

Tiklop-tuhod sa harap mo akong Hari ng Dalita,
nagsusulit sa paa mo ng buhay ko sa paggawa,
nagsusumbong sa bait mong, ang pawis ko’t aking luha,
paanhin mang sairin ko, ay dukha rin ako’t dukha.

Ako’y hindi naman tamad, ako’y hindi na mulala,
ang lahat ng gawain ko’y iniisip ko mang pawa;
gayon pa man ay masdan mo ang saplot ko’t aking dampa,
ang anak ko, kaming lahat, palagi ring wala’t wala.

Sinasabing ang paggawa’y walong oras araw-araw
ang dapat lang ibuwis ko sa atas mong hanapbuhay,
walong oras ang bigay mong akin namang ipaglibang,
walong oras ang tulot mong aking ipagpahingalay;

Nguni, Poong Bathala ko! balintunang kapalaran!
ang maglibang at matulog, hindi ko na hinihintay;
sagadsad na sa paggawang maghapuna’t magdamagan,
ang kita ko ay kulang din, at aba rin yaring lagay.

Dangan ngani’t magagawang apatnapu’t walong oras
ang bilang ng isang araw sa paggawang walang puknat,
disi’y aking sinubukan, baka ‘nakin yaring hirap
matubos na ng sipag ko at sa gapos ay makalag;

Dapwa’y sayang na pag-asa’t walang tuos na pangarap!
ang puhunan sa pagyama’y hindi pala dugo’t utak,
hindi luha, hindi pawis. . . laksa-laksa ang mapalad,
yuta-yuta ang mayamang walang hirap na dinanas.

Lakambining pintakasi ng gaya kong anak-dukha,
paralumang hingian ko ng ilaw ng aking diwa;
sa dibdib mo ay dukutin ang mayuming panyong sutla’t
basbasan mo ang pawis ko’t pahirin mo yaring luha;

Yamang ikaw’y isang reyna, at reyna ng kawanggawa,
yamang ako’y hari naman, hari lamang ng dalita—ang palad mo sa palad ko’y ihinang na nating kusa,
at pati mang kamatayan aariin ko ng tuwa.

ABOUT THE AUTHOR

Lope K. Santos
Lope K. Santos
Lope K. Santos (1879 – May 1, 1963) was a poet, scholar, and legislator. He was a labor leader during the early years of the Philippine labor movement and was also a leading figure in the development of the Philippine national language. He is the author of the novel Banaag at Sikat, the epic poem Ang Panggingera, and Ang Apat na Himagsik ni Francisco Balagtas at Ibá pang Sanaysay. He was given the Rizal Pro Patria Award in 1961 by President Carlos P. Garcia. A new translation by Danton Remoto of Banaag at Sikat was published by Penguin Books in 2021.

JUST IN

More Stories