In Memoriam, Cirilo F. Bautista (1914-2018)
May lumbay ang Mayo na ito—
Naglilimas, unti-unti, ng búhay
Upang igiit yata ang likás
Na panglaw ng mabuhay.
Ano pa ba’ng dapat pang
Matututuhan bukod dito?
Sa malayò, ang tila pagsinghap-
Singhap pa ng mahal na Lola,
Habang hinihintay na tuluyang
Malagot ang hininga—parang di
Mapatid-patid, sa pakikinig
Ko sa telepono, kahit wala nang
Dapat hintayin pa, halimbawa,
Ang pagbabalik ng supling
Na malaong nagpaka-alibugha.
Sa malápit, dito, ang pagtaas-
Pagbabâ ng dibdib ng mahal na guro,
Marubdob, walang pagsuko,
Habol-habol ang hininga, waring
Tinig sa kaniyang mga epikong
Umawit, nag salaysay hinggil
Sa bigat ng búhay sa kapuluang ito
Na hindi na yata makababangon,
Tulad niyang piit ngayon ng sala-
Salabid na mga kable’t tubo.
May mga paglisang sumasagitsit
At inuulila ka ng gitla’t
Tinutugis ng pananangis.
May mga walang pagmamadali,
Wari’y ibig kang paupuin,
Patahanin sandali, sa isang sulok,
Upang, tulad ng mga mongheng
Hanap ay kaliwanagan, matamang
Pagbulayin itong bangkay
Ng paglayô ng palad na tunguhan.
Walang kaloob na kapalagayan
Ang pagninilay kundi sukdol-sindak
Sa alam na hindi talaga alam.
Mabuti’t mapang-alo ang banayad
Na pagtangan sa aking kamay—
Pasasalamat sa pagdamay
Sa pagtatanod niya sa ospital—
Ng masiyahing maybahay ng guro,
Handa nang maglambong ng luksa.
“Malungkot talaga ang búhay, ano?,”
Mahinahong tanong niya—wari’y
Sandaling pagsasatinig
Ng pagkamapagbiro ng guro
Na nagturo ng parikala’ttalinghaga.
May ningning sa kaniyang mga mata.
____________________
Si Louie Jon A. Sánchez ay premyadongmakata at guro ng panitikan, pagsulat, at kulturang popularsaAteneo de Manila University.Kasalukuyangdirektor ng TaunangPalihangPampanulaan ng LinangansaImahen, Retorika, at Anyo (LIRA).TagapayoniyasiCirilo F. Bautista sapagkakamitng MFA in Creative Writing sa De La Salle University, Manila