Sinuway mo lahat ng paraan ng kaniyang pagguhit:
Hindi ka nagsunod-sunuran sa mga tuwid
Na linyang nagdidikta kung ano ka dapat.
Hindi mo hinayaang may mabuong imahe
Ng katotohanan na matamo iyon, labi,
O iba pang bahaging walang ipangangako.
Pinagpatong-patong mo ang mga kulay,
Pinilit gumawa ng mga bagong hugis,
Itinago sa likod ng mga kongkretong bagay.
At sa huli, walang nabuo ng sarili.
Marahan mong nilisan ang kuwadrong
Nagpapanggap na kalayaan
At hinarap ang pintor
Nang may pagpapatawad.
Iginuhit ka niyang muli:
Buo at walang kamalian.
Siguro
Sinusulyap kita sa pagitan ng bote,
Pinatatagal sa labi ang malamig na nguso
Sa bawat inuunti-unting lagok—
Ilang pagtatagpo ng ating mata ang agwat—
Nasisipat ang pagngiti mo sa nalalasahan,
Sa natitikmang sandali, sa pinatitikim
Ng pinaunlakang paanyaya.
Suntok ito sa buwan, sabi mo.
At ako, mabilis tinamaan.
Pinalalaya tayo nito ng malalim na gabing
May buong buwang nagbabantay ngunit
Umaga lang ang may ganap na iaalay.
Ito lang ang kaya nating hawakan ngayon:
Tig-isang bote ng masarap na alak..