Sunday, November 29, 2020
Home Fiction Ulo ng balita

Ulo ng balita

Sa loob ng silid, sumisigid ang lamig ng aircon sa aking hubad na katawan habang minamasahe ng mga ekspertong kamay ni Fe. Kagaya ng dati ay narito na naman ako, nakakanlong sa dilim ng gabi sa isang silid ng mga makasalanan daw at nawawalang tao. Ewan ko, para sa akin ang kasalanan ay tila malaon nang nawalan ng talab at pangil sa kagaya kong ngayon ay manhid na yata ang ubod at buod ng kaibuturan.

Ngayon ay naalala ko na naman si Danny. Noong nakaraan Disyembre lamang ay nakamtan din ni Danny ang kanyang pangarap bilang reporter ng isang pahayagang broadsheet na lumagpak ang kanyang istorya bilang ulo ng balita sa unang pahina. Kaya lang ay hindi siya ang sumulat ng balitang iyon tungkol sa iba kungdi ako tungkol sa kanya, sa kanyang sinapit na trahedya.

Para ko pa ring nakikita nang malinaw sa mata ng aking isip si Danny, nakasuot Santa Klaus, nakabulagta, duguan, pinagkukulumpunan ng mga tao sa loob ng Ocean Palace Mall, at nakatudla ang mga mata sa akin na parang nangungusap ng pakiusap na, Isulat mo ito, Benjie, isulat mo ang nangyaring ito sa akin.

Mabilis ang pangyayari. Isang department store na malapit sa pinipwestuhan ni Danny ang nilooban ng dalawang armadong lalake. Sumimple daw, ayon sa nakuha kong panayam sa nangangatog na kahera ng Star Trade Center, ang dalawang lalake sa kanya at bumulong ang isa ng, Hold-up to, wag kang papalag, habang nakatutok sa kanyang tagiliran ang nguso ng isang baril. Walang nagawa ang pobreng kahera dahil sa matinding nerbiyos kundi ibigay ang bungkos  ng salapi na walang nakahalata sa mga taong subsob sa kani-kanilang pamimili. Noong makalabas na ang mga ito—“Disente ang naturang mga lalake, wala sa kanilang itsura na mga hold- aper”—ay saka siya biglang napasigaw ng, Hold-ap, hinold-ap ako! At ang gwardiya sa may pinto ng Star Trade ay agad kumasa at agad pinaputukan ng kanyang syatgan ang dalawa na agad humalo sa daloy ng mga krismas syapers. Nang gumanti ang mga ito ay ang mascot na Santa Klaws na katabi na nang humahabol na gwardiya ang tinamaan. Parang nahahawi na tubig ang mga tao na kani-kaniyang dapa at pulasan ng takbo sa pag-iwas sa direksyon ng punglo.

Naroon ako ng hapong iyon, walang tiyak na bibilhin at nababano sa panonood ng iba’t ibang naggagandahang tanawin sa loob ng mall at sa mga taong nagpapakaulol sa kaway ng komersyalismo, sa pamimili ng kung anu-ano para pangregalo sa papalapit na pasko. Kitang-kita ko si Danny bilang Santa Klaws na animo’y nauupos na kandila sa nagdarapaang at nagtatakbuhang sangkatauhan sa kanyang paligid, sapo ang dibdib na tigmak ng dugo.

Ilang saglit akong napako sa pagkakatayo sa may labas ng Gibson sa second floor habang tumatambad sa aking paningin ang isang sureyalistang tanawin ng karahasan sa loob ng mall, parang sine, parang hindi totoo.

Natagpuan ko na lamang ang aking sarili na kalong si Danny na may sinasabing di ko maintindihan dahil panay ungol lamang ang lumalabas na tunog ng bibig, ngunit ang mata, ang matang nakatudla sa akin ay parang may ipinapakiusap na kung ano, na ewan ko kung ano.

Isinugod ko, sa tulong ng iba, si Danny sa Quezon Memorial Hospital ngunit di na ito nakarating nang buhay. Sa lamay ay naroon ang mga reporter na mga kasa-kasama ni Danny kung may malalaking putok na pangyayari, nakikiramay sa kanyang mag-ina, kay Rosie at ang apat na taong gulang na si Letlet. At naruon din ako, kahanay uli nila, mga tagapaghatid ng balita, mabuti man o masama para sa kapakanan ng madlang mambabasa.

Agad kong tinawagan si Art sa Phil. Daily Monitor pagkasugod ko kay Danny sa ospital at pagkatapos kong abisuhan sa telepono si Rosie sa nangyari sa kanyang asawa.

“Benjie! Natawag ka, kumusta? O ano, papasok ka na rito sa PDM?” sunod-sunod na tanong ni Boss Art.

“May balita ho ako, Sir, malaki ito!” sabi ko.

Tuwang-tuwa ito.

“Ha ha, sabi ko na nga ba at di ka rin makakatiis, babalik ka rin dito. O shoot, anong balita ‘yan?”

Kinabukasan, tumitili ang ulo ng balita tungkol sa hold-apan sa loob ng Ocean Palace Mall at pagkamatay ng isang reporter sa suot na Santa Klaws: ROBBERS SHOOT DEAD QUEZON REPORTER INSIDE CITY MALL.

Kasunod ng banner headline na nakabalandra sa upper fold ng PDM ay ang aking buong pangalan: Benjie Roales.

Matagal kong tinitigan ang aking pangalan sa diyaryo at binulay-bulay ang kaugnayan ng isang buhay na biglang nalagas sa balita kong pinaspasang isulat upang ihabol sa dedlayn.

May isang buwan bago naganap ang pangyayari ay nagpangita kami ni Danny sa ground floor ng Centro Shopping Mall. Ipinasiya naming tumawid sa katapat na Antigua Restaurant sa rooftop upang magkumustahan, at siyempre mag-tumbas manipis, tawag naming mga nangangalahig ng balita dito sa Quezon sa konting inuman, mga tigagatlo o apat o limang San Mig, depende sa mood o gana namin.

“Ano, hindi ka na ba talagang babalik sa pagsusulat sa diyaryo? Sayang!” simula ni Danny pagkatapos ng mabilis na kumustahan, mahihinang tampal sa balikat at pagkadating ng inorder niyang beer at sisig na pusit.

“Wala, talaga yatang di ako pangdiyaryo,” sabi ko, nakangiti.

“Ikaw pa naman itong marunong magsulat ay ayaw mo. Bakit ba talaga, ha?” tumungga ito at saka tumitig sa akin.

Si Danny ang nagpasok sa akin sa larangan ng pamamahayag. Dati ay pasulat-sulat lang ako sa mga palathalaan ng mga katha-katha at tula, madalas na prinsipe sa kaulilahan ng aking silid habang nagtitigis ng utak sa paghabi ng mga kastilyo ng pangarap. Ginagawa kong sangkalan ang aking hinampo, pait, at galit sa mundo upang makagawa ng tula at katha na nagpipilit makaalpas sa rehas at sinapupunan ng aking diwa’t kapangyarihan.

Pero si Danny, nang kami’y di sinasadyang magkatuklasang magkalapit-bayan pala sa probinsiya ko ng Hilagang Samar, ay humila sa aking pasukin ko ang pagsusulat sa diyaryo. Mantakin mo, dito pa pala sa Lucena kami magkikita. Marami siyang kilala sa iniwan kong bayang sinilangan dahil sabi niya’y nakapagtrabaho siya sa Gamay ng halos isang taon bilang pahinante ng kopra sa pantalan nina Kake, Pining at Sungsong – mga mayayamang negosyanteng Intsik sa aming bayan.

Una’’y sumasama-sama ako sa kanyang mga lakad sakay ng kanyang kotseng Volkswagen na pagamit sa kanya ng kanyang boss na editor ng Bulletin Today. Walang gaanong pinag-aralan si Danny, ni di nga yata nakatapos ng high school, ngunit dahil streetsmart at mahusay sa boka, ang kanyang pagkakapasok bilang reporter ng isang national news publication ay marahil pakana ng mga bathala.

Nakilala ni Danny sa isang sosyalan (nasa isang local na diyaryo at radio pa muna ito noon, paulat-ulat sa radio at pasulat-sulat sa diyaryong Quezon Pulse) ang isang Raffy de Galicia, isang senior deskman ng Bulletin Today. Ipinakilala ito ni Danny sa mga matataas na opisyal ng probinsiya na kabatakan niya. Na-impress ito at bumilib kay Danny. Nang bigyan ng calling card ang Danny ay kinuha niya ang lambot at kiliti ng Raffy de Galicia sa pamamagitan ng pagdadala, kapag siya’y naluluwas ng Maynila, ng mga isdang tilapia at sugpo na paborito nito.

Hindi nagtagal ay pinayagan na siya nitong magbato ng mga balita, actually mga pi-ar, mga balitang pasipsip at papogi sa mga opisyal ng bayan na siyempre ay may kapalit na ‘padulas’ na depende sa kasiyahan o lalim ng bulsa ng mga ito.

Di nga kasi’y sumikat si Danny, nagka-byline sa isang sikat at malaganap na broadsheet, at kahit panloob lamang na pahina at hindi sa front page, ay umastig pa sa mga opisyal lalo na nang magka-volks mula sa kanyang boss.

Bago ako nakatagpo at nakilala ni Danny ay kung kani-kanino siyang nagpapagawa ng balita sa Ingglis, pero malimit ay sa kanyang asawa na tapos ng Commerce, o sa isang kabatakan niyang kapwa reporter na si Tony Saavedra ng People’s Tonight.

Nang magkakilalanan kami ni Danny at magkalapit ay nagkaroon siya ng permanenteng ghost writer. Ako na ang sumusulat ng kanyang mga balitang pi-ar at naging kahati naman niya ako sa mga inaabot sa kanya ng kanyang mga ‘kliyente’. Sa ganito ay nakuha ko ang pakaliwa’t pakanang diskarte ni Danny kaya’t nang mapasok ako sa Metro Star, isang bagong news tabloid, ay nagkaroon na rin ako ng sariling diskarte at kumpiyansa sa sarili. Pero tandem pa rin kami sa kanyang kubang kotse sa mga lakaran at sa pangangalap ng balita at alimuom sa mga tanggapan at ahensiya ng pamahalaan.

“O di ka na sumagot?” untag ni Danny.

“Ako’y nakatalaga yatang magsulat nang pasirko,” sabi ko pagkabawi sa sarili, nakatawa nang alanganin.

“Di kita maintindihan, Benjie,” sabi nitong naiiling. “Sa media ay masaya pag marunong kang lumaro sa mga opisyal,” muling sabi nito, at saka idinagdag, “Sayang ang puwesto mo sa PDM,” at muling tumanaw sa labas ng pinto ng rooftop na parang may hinahanap doon.

Si Danny rin, sa pamamagitan ng kanyang boss na si Raffy, ang nagmaniobra para ako’y malipat ng ibang diyaryo. Kaibigan ni Raffy de Galicia si Art Rodriguez, ang provincial editor ng PDM, kaya’t walang tsetse-buretseng nakapasok ako. Sa PDM, isang pahayagang bumibira at may bayag, ay hindi basta-basta gagamitin ang balita mo pag walang latoy.

Pero nang iwan ko ang Metro Star at malipat sa PDM ay ganun din. Sa gabi, pagkatapos manggalugad at makapag-email ng balita, ay hila-hila ko ang pagod kong sarili, at sa loob ng aking silid ay muling dadalawin ng dating mga tanong, muling tuturetehin ng mga panariling hilahil na kahit sa mag-iisang taon ko na rin namang pagiging reporter ay dapat  sana’y ‘nagamot’ na o natabunan ng eksaytment at thrill sa pakikipag-unahang maka-scoop ng balita. Ngunit hindi. Laging ganito, pag-uuwi ko sa gabi, at sa pag-iisa sa aking silid ay muli  akong kukubabawan ng di maipaliwanag na panglaw, at muli akong dadampot ng papel at panulat upang muling bakahin at paalpasin ang mga demonyo na namimiyapis sa aking sarili.

Kaya’t isang araw ay ipinasiya kong bitiwan na ang pagrepo-reporter na di naman magdulot sa akin ng tunay na kasiyahan at luwalhati na katulad ng aking nararamdaman kapag ako’y nagluluwal ng isang tula o katha na tunay na bunga ng mga kaek-ekan ko sa buhay.

Nang muli kaming magkita ni Danny ay nasa simoy na ng hangin ang paparating na kapaskuhan. Medyo nagulat ako sa kanyang binabalak.

“Balak ko munang pumasok ng ibang mapaglilibangan, trip ko lang, ngayong pasko,” sabi nito habang kami’y nasa dating lugar sa rooftop ng Antigua. “Ito’y hanggang Three Kings lang naman,” dugtong pa.

“Ano na naman daw ito?” patianod ko, nakatawa.

“Trabaho ito, bilang Santa Klaws sa OPM.”

Ganyan si Danny, abenturero, makulay ang buhay. Maige raw naman ang kita, tatlong oras lang ang bubunuin, at kilala niya ang may-ari. Tatlo raw silang magsa-Santa Klaws na may iba-ibang iskedyul. May pang-umaga, panghapon, at panggabi. Panghapon daw siya, mula ala-una hanggang alas-kuwatro. Okey raw ba ang bagong raket niya?

“Kung okey ba sa ‘yo e” ang nasabi ko lang.

Nang gabing iyon, medyo lasing sa nainom namin ni Danny, ay matawa-tawa kong dinala hanggang sa pagtulog ang hitsura nito bilang mascot na Santa Klaws sa OPM habang pahala-halakhak at may sakbat na bag ng mga regalo kuno at pinagkakaguluhan ng mga bata.

Nagulat ako nang sabihin ni Fe na tapos na.

“Ha? Uuwi na muna ‘ko,” sabi ko, nagbangon, at nagbihis.

Nagtaka si Fe. “Hindi ka magpapa-ekstra serbis muna? Bakit dali-dali ka naman yata ngayon?”

Alam ko ang ibig sabihin ni Fe, pero wala na ako sa mood.

“H-hindi na!”

Sa labas ng Samurai Health Temple ay agad akong nagpara ng dyip at sumakay papuntang tinutuluyan kong bahay sa Short Cut. Sumisirit sa isip ko habang daan na igagawa ko ng isang kuwento si Danny. Hindi sapat at makatarungan sa kanya ang maging laman lang ng ulo ng madaling mabahaw na balita. Dapat kay Danny ay maging laman din at dugo ng isang makatotohanang kuwento.

WAKAS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here