Sunday, November 29, 2020
Home Poetry Ang isinumpang luntiang langit ni Ryan V. Labana

Ang isinumpang luntiang langit ni Ryan V. Labana

Nagpapausok na naman ang mga kapre–

‘Yung mga dambuhalang pabrikang nakatapak sa dating luntiang lote.

 

Hindi ko man marinig ngunit animo’y umiiyak,

Itong bago kong pananim na sinasakal ng lupang bitak-bitak.

 

Walong gabi’t siyam na umaga na ang nakalipas,

Hindi na ako makapaghintay sa pagbukas ng mga dahon nitong mansanitas.

 

Sana’y hindi na dumating ngayong gabi ang mga tiktik–

‘Yung mga negosyanteng naglalaway sa mga aning hindi na naisilang at humitik.

 

Ilang duwende pa ba ang susumpa sa bawat pagsibol ng mga pananim?

Hanggang kailan pa ba makukulong ang mga diwata sa dilim?

 

May mga tanong na nilusaw na ng mga tikbalang na dito sa siyudad ay napiit–

‘Yung akala mo’y mga tao ngunit hayop; mga nagsumpa sa dating luntiang langit.

 

 

 

 

 

 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here